LUNGSOD NG MEYCAUAYAN – Tatlong exits na ang maaring pasukan ng mga sasakyan sa Meycauayan mula sa North Luzon Expressway o NLEX.
Bukod sa karaniwang pagpasok sa Meycauayan Exit, pwede nang makapasok sa lungsod sa pamamagitan ng bagong bukas na Libtong Exit, kung galing sa Balintawak at sa Pandayan Exit kung galing sa Tabang o hilagang bahagi ng NLEX.
Ito’y matapos pasinayaan ang dalawang bagong exit na ipinagawa ng NLEX Corporation sa kahilingan ng pamahalaang lungsod ng Meycauayan noong 2016.
Sa southbound lane ng NLEX, o direksiyong paluwas ng Maynila, nagbutas ng bagong exit sa barangay Pandayan.
Matatagpuan ito bago dumating sa Meycauayan main exit kung galing ng Tabang o Sta. Rita.
Habang sa kabilang direksiyon ng NLEX sa northbound lane, nagbubutas ng exit sa barangay Libtong. Mararating naman ito bago dumating sa Meycauayan main exit kung galing ng Balintawak.
Ayon kay Rodrigo Franco, pangulo ng NLEX Corporation, nagkakahalaga ng 31.5 milyong piso ang ginugugol sa pagbubukas ng dalawang mga exit sa Pandayan at Libtong.
Sa isang panayam kay Mayor Henry Villarica, prayoridad niya ang pagpapaluwag ng daloy ng trapiko sa Meycauayan Exit sa Malhacan.
Apektado ng pagsisikip dito ang paghaba ng pila ng mga sasakyan Camalig-Iba-Malhacan Road papuntang crossing ng Meycauayan sa may MacArthur Highway.
Kasabay ng pagbubukas ng dalawang exit, ginagawa rin ngayon ang pagpapalapad sa tatlong linyang Tollgate ng Meycauayan sa Malhacan na magiging apat na linya na.
Sang-ayon sa iminungkahi ni Mayor Villarica sa NLEX Corporation, ginagawa na at nakatakdang buksan sa Hulyo 2017 ang pagpapalapad ng Meycauayan Interchange mula sa kasalukuyang tig-dalawang linyang salubungan sa pagiging tig-tatlong linyang salubungan
Samantala, tinatapos na ng Department of Public Works and Highways ang pagpapalapad sa kalsadang nagdudugtong sa mga barangay ng Iba-Libtong, Camalig, Malhacan at Bahay Pare.
Ito ang pangunahing daan na nagdudugtong mula sa MacArthur Highway patungong NLEX hanggang sa silangang bahagi ng Meycauayan.