LUNGSOD NG BALANGA — Hinikayat ng pamahalaang panlalawigan ang mga Bataeño na ipagpatuloy ang laban kontra Tuberculosis o TB.
Sa kanyang mensahe sa pagdiriwang ng World TB Day, sinabi Governor Albert Garcia na naging matagumpay ang layunin ng bansa na mapababa at malunasan ang kaso ng TB ngunit sa kasalukuyang pandemya sa COVID-19 ay may mga kinaharap na limitasyong nakaapekto para matugunan ang naturang sakit.
Inabisuhan niya ang mga taong nakararanas ng mga sintomas tulad ng ubo, pagpapawis sa gabi, pagbaba ng timbang, o lagnat na agaran ng magpakonsulta sa pinakamalapit ng health center o TB clinic.
Pinayuhan rin ni Garcia ang mga kapamilya o ang madalas makasalamuha ng taong may TB na magpakonsulta na rin upang sila’y matignan at mabigyan ng tamang gamot kung kinakailangan sapagkat sila ay maaaring wala pang sintomas ngayon subalit malaki ang posibilidad na sila’y nagtataglay na rin ng mga mahinang klase ng mikrobyo ng TB.
Aniya, huwag hayaan pang kumalat ang sakit na TB dahil libre ang pagpapagamot nito kaya walang dapat ikabahala.
Ang TB ay isang uri ng sakit dulot ng mikrobyong mycobacterium tuberculosis na madalas makaapekto ng baga ngunit naiiwasan at nagagamot.