Mga biyahe ng bus sa Bulacan na pa Maynila, tuloy pero limitado

BALIWAG, Bulacan — Patuloy na bibiyahe pa Metro Manila ang mga bus na may terminal sa Bulacan gayundin ang mga dumadaan o may ruta sa loob ng MacArthur Highway at Daang Maharlika.

Ito’y sa gitna ng sitwasyon na ang Metro Manila ay nakapailalim sa community quarantine kaugnay ng kampanya na huwag nang kumalat ang sakit na coronavirus disease o COVID-19.

Ayon kay Reynold Dela Cruz, officer-in-charge ng HM Transport na may konsesyon sa operasyon ng P2P bus na mula sa mga bayan ng Plaridel, Pandi at Balagtas papuntang EDSA-North Avenue, lilimitahan ang mga biyahe ng mga bus mula alas-4:30 hanggang alas 8:30 ng umaga lamang. Muling bibiyahe sa hapon sa ganap na alas-2:30 hanggang alas-6:30 ng gabi.

Bahagya naman ang naging pagbabago sa mga P2P buses na mula sa Malolos at Santa Maria na papuntang EDSA-North Avenue. Ayon kay Grace Joaquin, pangulo ng Precious Grace Transport Corporation, ang dating first trip mula sa Malolos na alas-4 ng umaga ay magiging alas-5 ng umaga hanggang alas-8:30 mula Lunes hanggang Huwebes. 

Kapag araw ng Biyernes, hahaba hanggang alas-10 ng gabi ang last trip at alas-9 ng gabi kung araw ng Linggo na may 30 minutong agwat. Ganito rin ang magiging bagong sistema sa mga biyahe ng P2P bus mula barangay Santa Clara at Caypombo sa bayan ng Santa Maria. 

Ayon kay Danilo Santiago, hepe ng monitoring operation ng Baliwag Transit, paiigsiin ang oras ng mga biyahe ng kanilang mga bus gayundin ang sister-company nitong Golden Bee Transport and Logistics Corporation. 

Ang mga biyaheng Cubao at Grace Park na mula sa Baliwag at Hagonoy ay magkakaroon ng first trip sa ganap na alas-5 ng umaga sa halip na alas-3 ng umaga.

Magkakaroon naman ng pinaigsing oras ng last trip na hanggang alas-7 na lamang ng gabi sa halip na alas-9 ng gabi. 

Para sa mga pasahero na sumasakay sa mga bayan ng Guiguinto, Plaridel, Pulilan, Baliwag, San Rafael, San Ildefonso at San Miguel, ganito rin ang mga oras ng biyaheng Cabanatuan at San Jose, Nueva Ecija na galing Cubao at Grace Park na dumadaan sa mga rutang ito. 

Sa mga bus naman na Victory Liner na may rutang Tabang, Malolos at Calumpit na biyaheng Apalit, San Fernando at Olongapo, mas tanghali na ang first trip na magsisimula ng alas-5:00 ng umaga sa Caloocan at pabalik. Gayundin ang last trip ay alas-10:00 ng gabi na lamang.

Ayon kay Mark Conrad Salvador, marketing assistant ng Victory Liner, kinakailangang mag-fill up sa ibibigay na passenger’s information slip ang bawat pasahero alinsunod sa Memorandum Order 2020-005A ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Kaugnay nito, nagkakaisa naman ang iba’t ibang mga kumpanya ng mga bus sa pag-aabiso sa kani-kanilang mga pasahero na magdala ng company ID o anumang dokumentong magpapatunay na nagtatrabaho o naghahanapbuhay sa Metro Manila. Ito anila ang ipapakita sa mga itatakdang checkpoints sa mga hangganan ng Bulacan at Metro Manila.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews