Mga communist terrorist, idineklarang ‘persona non-grata’ sa Bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS — Pinagtibay ng Provincial Peace and Order Council o PPOC ang isang resolusyon na nagdedeklara sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army o CPP-NPA bilang persona non-grata sa buong lalawigan ng Bulacan.

Sa katatapos na pulong ng PPOC, binigyang diin ni Gobernador Daniel R. Fernando na marapat lamang kondenahin at ideklarang persona non-grata ang mga ito upang matigil ang banta sa economic,  social at political stability; siguruhin ang kaligtasan ng bawat Bulakenyo; at seguridad ng buong bansa.

Iniulat naman ni Army 48th Infantry Battalion Commanding Officer Lt. Col. Felix Emeterio Valdez na patuloy ang kanilang pagmonitor sa mga kilos ng CPP-NPA na nag-ooperate sa coastal areas ng Bulacan, Pampanga at Bataan gayundin sa kabundukan ng Donya Remedios Trinidad, Angat, Norzagaray at lungsod ng San Jose del Monte.

Dagdag pa ni Valdez, nakakumpiska ang kanilang tropa ng ilang armas at bandila na gamit ng CPP-NPA sa magkakahiwalay na operasyon.

Patuloy din anya sila sa pagsuporta sa implementasyon ng Executive Order No. 70 ni Pangulong Duterte, pakikiisa sa provincial level multi-sectoral convergence upang maresolba ang isyu sa labor sector, joint forest protection operations, at information drive sa mga kabataan upang matigil ang pagrecruit sa mga ito.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews