OBANDO, Bulacan — Sunud-sunod na ipinasara ng Environmental Management Bureau o EMB ang tatlong mga establisemento sa Marilao at labing tatlong palaisdaan sa Obando na iligal na naglalabas ng dumi papuntang Manila Bay.
Iyan ang naging aksyon ng ahensya sa paglulunsad ng malawakang paglilinis at rehabilitasyon ng Look ng Maynila na sinimulan sa Obando na isang tangway na bayan.
Ayon kay EMB Regional Director Lormelyn Claudio,ang mga ipinasarang establisemento ay tannery, rendering at dressing plants.
Tinutunaw at iprinoproseso sa mga tannery plants ang mga balat ng hayop upang gawing bag, sinturon, sapatos at iba pang kagamitan habang sa mga rendering plants naman iprinoproseso ang lahat ng uri ng dumi ng hayop bilang hilaw na materyales sa isang kagamitan.
Naipasara ang mga ito dahil walang sariling Sewerage Treatment Facility, may mga kakulangan sa pagtalima sa Environment Compliance Certificate at kawalan ng mga kaugnay na permits.
Ipinahayag naman ni Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado na may mga babuyan at manukan na nakatakda ring ipasara dahil diretso ang mga dumi na itinatapon sa mga kailugang karugtong ng Maynila Bay.
Matatagpuan ang karamihan sa mga ito sa kahabaan ng Marilao-Meycauayan-Obando River System o MMORS.
Ang MMORS ay anyo ng tubig na nakadugtong sa Look ng Maynila. Noong 2007, kabilang ito sa 30 pinakamaruruming ilog sa buong mundo base sa listahan ng Blacksmith ng Amerika.
Ayon pa kay Claudio, nakapagbigay ito ng kontribusyon kaya’t umabot sa 1.3 bilyon Most Probable Number o MPN ang coliform lebel ng Manila Bay.
Target ng Department of Environment and Natural Resources o DENR na ibaba ito sa 270 MPN lebel na uubra nang mapaliguan ngayong Disyembre 2019.
Base sa Manila Bay Action Plan, may tatlong bahagi ito na isasakatuparan sa susunod na pitong taon.
Sa unang bahagi o Phase 1, malawakang paglilinis ang sinimulang gawin upang maibalik ang orihinal na kalidad ng tubig nito.
Kasama na rito ang pagtatanggal ng lahat ng iligal na istraktura sa kahabaan ng mga ilog na nakadugtong sa look at mismong nasa pampang.
Ayon kay EMB Environmental Monitoring and Enforcement Division Chief Lisa T. Dimaliwat, kasama rito ang may 50,000 mga pamilyang naninirahan sa mga baybayin ng Bataan, Pampanga at Bulacan na nakaharap sa look ng Maynila. Plano aniyang ilipat sila sa bayan ng Donya Remedios Trinidad.
Ang nasabing mga lalawigan ay kabilang sa loob ng 190 kilometrong baybayin ng Look ng Maynila na umaabot sa mga lungsod ng Maynila, Pasay, Paranaque, Las Pinas at sa lalawigan ng Cavite.
Samantala, inilahad ni DENR Assistant Secretary Hoselin Marcus Fragada na pinag-aaralan na ng mga ahensyang kasapi sa Task Force Manila Bay ang rekomendasyon ni Budget Secretary Benjamin Diokno na utangin na lamang sa World Bank o sa Asian Development Bank ang 47 bilyong pisong natukoy na magagastos sa pagsakatuparan ng Manila Bay Action Plan.
Isinasailalim ngayon sa malawakang rehabilitasyon ang Look ng Maynila sa direktiba ni Pangulong Rodrigo R. Duterte matapos ang matagumpay na pagsasa-ayos at paglilinis sa isla ng Boracay.
Ito’y alinsunod din sa inilabas na Mandamus ng Korte Suprema na tinukoy at inutusan ang mga kaugnay na mga ahensya ng pamahalaan na ibalik ang bayolohikal na buhay ng Look ng Maynila.