LUNGSOD NG CABANATUAN — Patuloy na hinihikayat ng Department of Trade and Industry (DTI) Nueva Ecija ang mga kabataang nagnanais lumahok sa Youth Entrepreneurship Program (YEP).
Ito ay inilunsad ng ahensya noong 2020 upang bigyan ng kamalayan at pagsasanay ang mga kabataang nasa edad 18 hanggang 30 na naghahangad magnegosyo.
Inilahad ni DTI Provincial Director Richard Simangan na malugod na pinauunlakan ng kanilang tanggapan ang mga kabataang interesadong sumali sa programang ito.
Paliwanag niya, ang ahensya ay nakikipagtulungan din sa mga paaralan sa lalawigan upang maihatid ang programa sa mga kabataan.
Ilan sa mga ito ay ang Nueva Ecija University of Science and Technology, Central Luzon State University, Wesleyan University of the Philippines, Manuel V. Gallego Foundation Colleges Inc., at Holy Cross College.
Lininaw ni Simangan na hindi limitado sa mga katuwang nilang paaralan ang paghahatid ng naturang programa.
Ang mga kabataang nagnanais sumali sa programang ito ay maaaring magtungo at makipag-ugnayan sa mga Negosyo Center ng DTI na kani-kanilang bayan at lungsod upang sila ay matulungan.
Dahil sa YEP, mayroon nang mga kabataang lumalahok sa mga trade fair na isinasagawa ng ahensya kung saan sila ay nakakapagbenta ng sarili nilang mga produkto. (CLJD/MAECR-PIA 3)