LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Inihandog ng pamahalaang bayan ng Talavera ang libreng sakay para sa mga kababayang frontline workers na kinakailangang pumasok at tumupad ng tungkulin.
Batay sa post ni Mayor Nerivi-Santos Martinez sa kaniyang social media account, kabilang sa mga libreng makasasakay sa Point to Point Shuttle Service ng pamahalaang bayan ang mga doktor, nars, health workers, mga empleyado ng botika, supermarket, bangko, remittance center, at gasolinahan.
Maaari din aniyang sumakay ang mga kababayang mamimili sa mga pamilihan, alamin lamang ang iskedyul ng oras ng byahe sa umaga at sa hapon.
Mayroong dalawang ruta ang mga shuttle service simula sa mismong bayan, ang isa ay papuntang Bakal III at pabalik, at ang isa naman ay papuntang San Miguel na Munti at pabalik sa mismong bayan.
Samantala, ibinalita din ni Rizal Mayor Trina Andres na simula bukas, Abril 1 ay mayroon na ding libreng sakay ang pamahalaang bayan ng Rizal sa mga frontline workers na nagta-trabaho sa ibang lungsod partikular sa San Jose at Cabanatuan.
Kagaya sa Talavera ay mayroon ding iskedyul ng oras ng byahe palabas at pag-uwi ng bayan, dalhin lamang ang ID at employment certificate.
Ang payo n Andres, kung mayroong matutuluyang pansamantalang tirahang malapit sa trabaho ay mas ligtas kung duon mananatili upang mapangalagaan ang kaligtasan ng mga nakakasalamuhang pamilya kung uuwi ng bayan.