Dapat umanong ikonsidera ang mga alkalde na siyang unang dapat makatanggap ng Covid-19 vaccine bilang “1st frontliner” sa kanilang lokal na pamahalaang nasasakupan.
Ito ang pahayag ni Mayor Enrico Roque ng Pandi, Bulacan kasabay ng isinagawang Covid-19 vaccination activity sa nasabing bayan na ginanap sa Pandi Sport Complex sa Barangay Poblacion nitong Biyernes kung saan 500 mga frontline health workers dito ang tumanggap na ng astrazeneca vaccine.
Ayon kay Roque, nirerespeto niya ang kung ano mang derektibang ibababa ng national government kaugnay ng vaccine roll out activity sa mga lokal na pamahalaan ngunit panawagan nito at paniwala na dapat ay mga mayor ang unang dapat bigyan ng bakuna bilang mga 1st frontliner.
“Dapat ay kaming mga alkalde ang i-consider na “first frontliner” na mabakunahan kasi kami ang humaharap, nakikiusap at manghihikayat sa tao na magpabakuna. Ang mga tao rin ang gustong makita na unang magpapabakuna ang kanilang mga lider,” ani Roque.
Nabatid na kay Dr. Maricel Atal, municipal health officer ng Pandi, 540 doses ng AstraZeneca ang inisyal na ipinadala ng Provincial Health Office para sa first vaccine rollout sa mga personnel mula sa private hospitals, gayundin sa mga staff ng isolation facilities at rural health units sa nasabing bayan.
Tiniyak naman ni Roque na mababakunahan lahat ang halos 120,000 Pandienyo o 70% ng 180,000 na populasyon ng Pandi hanggang sa 3rd quarter ng 2021.
“Hindi ko tinitingnan ang mabakunahan lahat, ang gusto ko ay mabakunahan ‘agad’ ang bawat Pandienyo,” pahayag ng alkalde.
Base sa record, ang pamahalaang lokal ng Pandi, Bulacan ay kabilang sa Top 5 municipalities sa Central Luzon na kinilala ng Department of Health (DOH) sa maayos at mabilis na implementasyon vaccine program. Kabilang na ang Measles, Rubella and Oral Poliomyelitis Vaccine Supplemental Immunization Activity (MR-OPV SIA) at Polio vaccine at No. 1 sa buong bansa.
Ang isinagawang vaccine activity ay pinangasiwaan ng mga pribado na volunteer doctors kabilang na rito si Dr. Mary Jane Roque, asawa ni Mayor Roque.
Patuloy na nananawagan si Roque sa kaniyang mga kababayan na huwag matakot at magpabakuna sakaling dumating na ang bakuna para sa kanila, paliwanag ng alkalde na ang bakuna ang susi para makabangon at makabalik na sa normal ang bansa.