Mga nagawa ng administrasyong Duterte, inilahad

LUNGSOD NG TARLAC —  Ibinalita ni Presidential Communications Operations Office o PCOO Secretary Martin Andanar ang mga naging gampanin ng kasalukuyang administrasyon.

Sa usaping Law and Order, inilahad ng kalihim na nakapagtala ng 22,000 barangay na drug free habang 64 porsyento ng crime volume ang bumagsak.

Aniya naibalik nito ang kaligtasan sa taumbayan kung kaya mas panatag nang maglakad ang mga mamamayan sa mga kalye.

Sa Peace and Order, binanggit ni Andanar ang pag apruba sa Bangsamoro Organic Law na nagtatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at ang paglikha ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC.

Paglalahad ng kalihim, may 19,000 nang dating rebelde and sumurender at nagbalik loob sa pamahalaan buhat nang malikha ang NTF-ELCAC.

Samantala, mula sa 20 porsyento ng poverty incidence ay bumaba ito sa 13 poriyento bago ang pandemya na nangangahulugang may anim na milyong Pilipino ang nakawala sa kahirapan.

Isang hakbangin na nakatulong rito ang pagpirma ni Duterte ng Free Tertiary Education Act na nagpatupad sa libreng kolehiyo para sa mga mahihirap na Pilipino.

Para sa Anti-corruption drive naman pinirmahan din ni Duterte ang Freedom of Information o Executive Order No. 2 na nagbukas ng libro ng pamahalaang nasyunal na siya ring nagpalakas ng Anti-Red Tape Act.

Iba pa rito ang imprastrakturang naisakatuparan sa ilalim ng Build Build Build program partikular sa Gitnang Luzon.

Ani ni Andanar, ilan sa mga tangible o nahahawakang proyekto ng administrasyong Duterte ang New Clark City Sports Hub, New Clark International Airport Terminal, Tarlac-Pangasinan- La Union Expressway, Plaridel Bypass Road, Pulilan-Baliwag Diversion Road, Bagac-Mariveles Diversion Road, at Subic Freeport Expressway Expansion Project.

Dagdag niya, may mga kasalukuyan ring isinasagawang proyekto tulad ng Central Luzon Link Expressway, Ciudad de Victoria Interchange, Capas-Botolan Road, at Sta. Cruz-Mangatarem Road.

Sa hanay ng PCOO, sinabi ni Andanar na nakapagpatayo na ng Mindanao Media Hub sa Davao City at ipapatayo pa ang Visayas Media Hub sa Cebu.

Itinatag na rin aniya ang Presidential Task Force on Media Security at Media Workers’ Welfare Bill para sa kapakanan ng mga miyembro ng media.

Pagbibigay diin ni Andanar, nararapat ipaalam sa taumbayan ang mga programang ito ng pamahalaang upang maipabatid ang pinatutunguhan ng kaban ng bayan.

Tulad ng isang negosyante na ipinapaalam sa kanyang mga namumuhunan ang kalagayan ng kanyang negosyo, higit na kailangang ipakita sa mga mamamayan ang kilos at pagsisikap ng pamahalaan para sa ikabubuti ng bansa at ng bawat mamamayan.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews