Mga Nobo Esihanong positibo sa COVID-19 na walang matuluyang ospital o quarantine facility, pinapayuhang makipag-ugnayan sa LGU

Pinapayuhan ng Nueva Ecija Inter-Agency Task Force o NE IATF ang mga kababayang nasa labas ng lalawigan na positibo sa COVID-19 na makipag-ugnayan sa Local Government Unit o LGU.

Ayon kay NE IATF Spokesperson Father Arnold Abelardo, ito ay partikular sa mga kababayang may kamag-anak o siya mismong positibo sa COVID-19 ngunit walang matuluyang ospital o quarantine facility sa labas ng lalawigan. 

Aniya, maaaring humingi ng tulong o direktang makipag-ugnayan sa LGU o mga Municipal at City Health Office sa lalawigan upang mahanapan ng quarantine facility o ospital na tutuluyan sa Nueva Ecija.  

Ang mga LGU din katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ang maghahanda ng kailangang ambulansiya na magsusundo sa mga kababayang nangangailangan ng tulong para makauwi sa probinsiya.

Paglilinaw ni Abelardo, sa pamamagitan nito ay mapapangalagaan ang pagkakaroon ng maayos na koordinasyon sa pagitan ng mga LGU, kapitolyo at mga otoridad na nagbabantay sa mga dadaanang checkpoint upang maiwasan ang exposure sa pasyente. 

Kaugnay nito ay ipinagbabawal ang paggamit ng mga private vehicle sa pagsundo o pag-uwi ng mga positive COVID-19 patient sa Nueva Ecija lalo ang mga walang koordinasyon o pahintulot mula sa LGU o local IATF. 

Pahayag ni Abelardo, ang NE IATF at ang mga LGU ang mamamahala sa pagbyahe ng mga Nobo Esihanong positibo sa COVID-19 na nangangailangan ng tulong upang gumaling sa nakahahawang sakit.

Kaniya ding ibinalita na ipinagbabawal muna ang mga salu-salo na dadaluhan ng maraming tao gaya ng kasal, binyag o kaarawan man upang makaiwas sa transmission ng COVID-19 virus. 

Kung may aktibidad ang LGU o simbahan ay kinakailangang may pahintulot mula sa NE IATF partikular ay maipaalam ang detalye ng isasagawang programa at ang mga pamamaraan upang matiyak ang pagsunod sa mga standard health protocol. 

Ang payo ni Abelardo, kung masama ang pakiramdam gaya kung may sipon, lagnat o ubo ay ipahinga na lamang muna at huwag lumabas ng tahanan. 

Kung kinakailangang magpakonsulta sa doktor ay tumawag muna sa hotline ng ospital bago direktang tumungo sa pagamutan upang makaiwas sa exposure sa ibang tao o kaya ay tumawag at mag-text sa Department of Health Nueva Ecija COVID-19 Hotline na 0918-245-4000.

Ayon pa kay Abelardo, mahalaga ang kooperasyon ng bawat isa sa mga ipinatutupad na protocol upang makaiwas sa patuloy na pagdami ng bilang ng mga nagkakasakit ng COVID-19. 

Ipinaaabot din ng tanggapan ang pasasalamat sa lahat ng sakripisyo at tulong ng bawat frontline healthcare workers at mga personnel na katuwang sa paglaban sa pandemiyang COVID-19.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

code