Mga potaheng inihain sa Kongreso ng Malolos, inilimbag sa 2 aklat

LUNGSOD NG MALOLOS — Magkasabay na inilunsad ng National Historical Commission of the Philippines o NHCP ang dalawang aklat na naglalaman ng kasaysayan ng mga sangkap at mga potahe na inihain sa isa sa mga sesyon ng Kongreso ng Malolos. 

Pinamagatan itong “Republic of Taste” at ang “Lasa ng Republika, Dila ng Bandila” na iniakda ng isang pangkulinaryang historyador na si Ige Ramos. 

Ayon kay Ruel Paguiligan, kurador ng Museo Republika Filipina 1899 ng NHCP, bahagi ito ng isang taong pag-alaala sa Ika-150 Taon ng Kapanganakan ni Pangulong Emilio Aguinaldo. Kasama ang Malolos sa mga pinagdausan sapagkat dito aniya nagtatag ng pamahalaan ang dating pangulo.

Matatandaan na nagsesyon ang Kongreso ng Malolos sa loob ng simbahan ng Barasoain mula sa pagbubukas nito noong Setyembre 15, 1898 hanggang Enero 23, 1899, ang petsa kung kailan pinasinayaan ang mismong Republika ng Pilipinas.

Sa loob ng nasabing mga buwan, sa araw ng Setyembre 29, 1898, kabilang sa mahahalagang ginampanan nito ay ang ratipikasyon ng iprinoklamang Kalayaan ng Hunyo 12. Ibig sabihin, ayon sa akda ni Ramos, ang ratipikasyon ng Kongreso ng Malolos ay siyang nagbigay ng bisa sa petsang Hunyo 12, 1898 bilang araw na lumaya ang Pilipinas sa Espanya.

Sa araw ng ratipikasyon noong Setyembre 29, 1898, naghain ng pananghalian at hapunan para sa mga delegado ng Kongreso ng Malolos, mga pinuno ng pamahalaan sa sangay ehekutibo, lehislaturan, hudikatura at mga piling panauhin. 


Magkasabay na inilunsad ng National Historical Commission of the Philippines ang dalawang aklat na naglalaman ng kasaysayan ng mga sangkap at mga potahe na inihain sa isa sa mga sesyon ng Kongreso ng Malolos. Pinamagatan itong “Republic of Taste” at ang “Lasa ng Republika, Dila ng Bandila” na iniakda ng isang pangkulinaryang historyador na si Ige Ramos.(Shane F. Velasco/PIA 3)
 


Base sa mga aklat na iniakda ni Ramos, sa kagustuhan ni Pangulong Aguinaldo na mabatid ng pandaigdigang komunidad ang pagkakaroon ng sariling pamahalaan ng Pilipinas, pawang mga pinaghalong Pilipino-Pranses ang mga inihain. Para sa pananghalian, pito ang mga ulam na kinabibilangan ng Coquilles de Crabes, Vola-au-vent ala Financiere, Abatis de Pulet ala Tagalo, Cotelettes de Mouton ala Papilotte Pommes de Terre Paille, Dinde Truffee ala Manilloise, Beef Fillet ala Chateaubriand at ang Cold Ham with Asparagus Stalks. 

May mga appetizers itong mga Oysters, Prawns, Radishes with Butter, Olives, Lyon Sausages, Sardines in Tomato Sauce at ang Salmon with Hollandaise Sauce. Habang ang mga desserts ay mga Cheeses, Fruits, Jams, Strawberry Jelly at Ice Cream. 

Mayroon din silang iba’t ibang mga wines na Bordeaux, Sauternes, Champagne at Sherry habang mga nakakalasing naman ay Chartreuse Verde at Cognac. Iba pa rito ang kape at tsaa. 

Mas kaunti naman ang ulam noong hapunan ng Setyembre 29, 1898. Ito ang Filipino-style Croquettes, Republic-style Chicken Sausage, Larded Braised Beef at Pigeons with Mushrooms. May soup na Chicken Consomme at paunang patikim na Fish in White Sauce. 

Iba pa rito ang Salad Toss na Aubergines Farcies at Sauteed Green Beans. Ganoon pa rin naman ang mga desserts maliban sa naidagdag na Mocha Ice Cream. At kung ano ang mga naging inumin noong pananghalian ay iyon pa rin ang kasamang inihain sa hapunan. (CLJD/SFV-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews