Mga programa ng bagong alkalde ng Abucay, ibinahagi

ABUCAY, Bataan — Ibinahagi ni Robin Tagle ang kanyang mga programa bilang bagong alkalde ng Abucay sa Bataan.

Sa isang panayam, binigyang diin ni Tagle ang pagpapaigting ng mga programang pangkalusugan kabilang na ang pagkakaroon ng dialysis center na layong bigyang serbisyo hindi lamang ang kanyang mga nasasakupan kung hindi pati na rin ang mga karatig-bayan nito.

Patuloy din aniya ang inisyatibo ng munisipyo upang hikayating magpabakuna ang mga residente laban sa COVID-19 upang makamit ang 100 porsyentong vaccination rate lalo na at nalalapit na rin ang pagbabalik ng face-to-face classes.

Kaugnay nito, ibinahagi ni Tagle na patuloy ang suporta ng pamahalaang bayan sa pagkakaroon ng ligtas na balik eskwela upang masigurong patuloy na naipapatupad ang safety protocols kontra COVID-19.

Layon din aniya ng pamahalaang lokal na makapagbigay ng libreng wi-fi sa bawat pampublikong paaralan na siyang magagamit ng mga guro at mag-aaral.

Bilang kilala sa mga pagkaing yamang dagat, ibinahagi ni Tagle na kanilang tututukan ang mga programa ukol dito para lalo pang mapaunlad ang industriya ng aquaculture sa bayan katulad na lamang ng paglulunsad ng mga nursery para sa pagaalaga at pagpapalago ng mga produktong alimango.

Kilala ang Abucay bilang isa sa nangungunang producer sa buong Pilipinas ng tahong at talaba kaya bilang suporta sa a mga mangingisda ay isinaayos ang kanilang mga taniman at navigation lane nang sa gayon ito ay hindi maapektuhan o mapinsala.

Kaugnay din nito ay mga inisyatibo upang paigtingin ang sektor ng agrikultura katuwang ang Bataan Peninsula State University sa pagsasagawa ng mga seminar upang mabigyan ng karagdagang kaalaman ang mga magsasaka para sa mga panibagong pamamaraan ng pagtatanim.

Kasabay nito, patuloy din ang suporta ng pamahalaang bayan sa mga micro, small, and medium enterprises sa pamamagitan ng hindi pagtataas ng mga lokal na buwis upang masiguro ang mabilis at patuloy na pag-unlad ng kanilang mga negosyo.

Ngayong unti-untin nang nagbubukas ang turismo ng bayan, naglunsad ng virtual tour sa pamamagitan ng vlogging upang maipakita ang ganda nito kabilang na ang mga resort at cultural heritage site tulad ng Limbagang Pinpin Museum.

Hinihikayat ni Tagle ang pakikiisa ng bawat Abuceño sa mga programang inilatag ng lokal na pamahalaan upang patuloy na umunlad ang kanilang bayan at maisakatuparan ang pagiging “smart municipality” nito.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews