LUNGSOD NG MALOLOS — Kinilala ng Department of Health o DOH sa katatapos nitong 6th Central Luzon Excellence Awards for Health ang mga programang pangkalusugan ng Bulacan.
Personal na tinanggap ni Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado ang Outstanding LGU Health Scorecard Performance Award para sa taong 2016 dahil sa natatangi nitong suporta at ambag sa DOH Philippine Health Agenda.
Gayundin, pinagkalooban ng Sertipiko ng Pagkilala ang Bulacan Provincial Blood Center bilang Lead Blood Service Facility in Region III.
Tumanggap din ng Special Citation Award si Dr. Paul Camiña ng Bulacan Medical Center para sa ASEAN 2017 Deployment.
Sa isang pahayag, sinabi ni Alvarado na hindi tumitigil ang pamahalaang lalawigan sa pag-iisip ng mga bagay para sa higit na ikabubuti ng mga Bulakenyo.
Kabilang sa iba pang nagwagi mula sa Bulacan ang Bustos, Plaridel, at San Ildefonso para sa Regional Voluntary Blood Service Program Achievement Award-Municipal Category; Malolos para sa Regional Voluntary Blood Service Program Achievement Award-City Category; Plaridel, San Ildefonso, at San Jose del Monte bilang Most Supportive Local Chief Executive on Blood Program Implementation; at San Jose Del Monte bilang Quality Service Awardee for the Animal Bite Treatment Center.
Tumanggap rin ng HIV Treatment Hub Recognition ang ACE Medical Center-EmbrACE Unit; Pulang Laso Excellence Award – Best LGU for Local Responsive Service Delivery and Outreach Services ang San Jose Del Monte; Mother and Baby Friendly Hospital Initiative Award ang Hagonoy Rural Health Units I at IV; at Best Mental Health Program Implementer ang Hagonoy at Malolos.