LUNGSOD NG SAN FERNANDO– Magtatalaga ng mas maraming mining engineers at geologists ang Mines and Geosciences Bureau o MGB sa mga Community Environment and Natural Resources Offices o CENROs ng Department of Environment and Natural Resources o DENR.
Ayon kay MGB Regional Director Alilo Ensomo Jr, ang hakbang na ito ay bahagi ng programa ni DENR Secretary Roy Cimatu na mapalawig at mapatatag ang kakayahan sa pagpapatupad ng mga PENROs at CENROs sa mga usaping pagmimina at pangkapaligiran.
Samantala, inilahad ni Ensomo na magsisimula nang tumanggap ang MGB ng mga aplikante ngayong Enero ng mga nakatapos sa mga kursong geology, mining engineering, at environmental science.
Sasailalim ang mga mapipili sa mga pagsasanay at orientation ukol sa mga batas sa pagmimina bago sila ipadala sa mga CENROs sa susunod na buwan. (CJFV/CLJD-PIA 3) Carmela Jane F. Villar