‘Mobile prayer’ patrol umarangkada na sa Bulacan

Kapansin-pansin ngayon ang pag-ronda o ang umiikot na mga “mobile prayer” vehicles sa buong maghapon sa lalawigan ng Bulacan maging sa mga isla rito ay umaabot ang nasabing patrolya gamit ang isang bangka.

Ang nasabing mobile prayer patrol ang isang paraang isinasagawa ng pamahalaang panlalawigan upang magbigay ng pag-asa at pagpapataas ng moral ng mga Bulakenyo partikular na ang mga nagkasakit at namatay sa Coronavirus disease (Covid-19).

Ayon kay Governor Daniel Fernando, 6 na sasakyang pang-lupa ang kaniyang pinapalibot at umiikot sa maghapon sa 21 bayan at tatlong lungsod sa lalawigan at isang bangka naman para lumibot sa mga isla sa coastal areas.

Kabilang dito ang mga Isla ng Masukol sa bayan ng Paombong; mga isla sa Pamarawan at Babatnin sa Malolos at Taliptip island sa bayan ng Bulakan habang Pugad at Tibaguin island sa bayan ng Hagonoy.

Lulan ng isang sasakyan ang mga naglalakihang mga speaker kung saan maririnig na pinapatugtog ang panalangin ni Gob Fernando na mayroong tarpaulin kung saan makikita ang nagdadasal na gobernador para sa mga kababayan niyang Bulakenyo na ngayon ay nahaharap sa health crisis dulot ng pandemic.

“Sa pamamagitan nito, nais natin na madama ng ating mga kababayan ang presensiya ng Panginoon at huwag mawalan ng pag-asa at patuloy na tumawag at magdasal lalo ngayong humaharap ang buong sanlibutan sa global health crisis,” Fernando said.

Panawagan din ng gobernador na ngayong pandemic ay iwasan muna ang pamumulitika at pagbibigay ng maling impormasyon na nagdudulot ng kalituhan sa taumbayan sa halip ay maggkaisa at magtulong-tulong para labanan ang Covid-19.

“Hindi ito ang panahon ng pulitika at pagbatikos, ang kailangan ay dagdagan natin ng 100 times ang ating pagtawag sa Diyos,” dagdag ni Fernando.

Base sa pinakabagong talaan ng Provincial Health Office (May 4, 2021) lumalabas na 87.9% ang recovery rate sa Bulacan kung saan mula sa 27,004 na covid case ay 23,750 ang nakarekober habang 646 ang nasawi kung kayat nasa 2,608 ngayon ang aktibong kaso ng covid sa probinsiya.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews