Magpapatupad ang Comelec Bataan ng mobile registration ng mga botante sa bayan ng Bagac dahil sa walang internet access ang Comelec office sa naturang bayan.
Ito ang sinabi ni Atty. Gilbert Almario, Provincial Election Officer ng Commission on Elections (Comelec Bataan) sa isinagawang news briefing sa kanyang tanggapan nitong Martes.
Sa mobile registration sa Bagac, ang isang registrant gamit ang kanyang smartphone ay magda-download ng Comelec application sa website at ang kanilang mga basic information ay ita-type lang nila katulad ng sa application form at matapos makumpleto ang proseso ay dadalhin nila ito sa local na tanggapan ng election officer para doon ipakita ang QR code.
Sa tanggapan ng election officer ay ipi-print ang application form ng registrant matapos ma-scan ang QR code.
I-rehistro ang online registration na ginagamit sa Balanga City at sa mga bayan ng Abucay, Dinalupihan, Hermosa, Orani, Samal, Pilar, Orion, Limay, Mariveles, at Morong.
Sa Central Luzon ay mayroong 29 election offices na walang internet access habang nasa mahigit 500 naman sa buong bansa.
Nanawagan din ang opisyal sa mga Bataeño na hindi pa rehistrado na magparehistro na hangga’t malayo pa ang deadline para aniya mas maluwag at kombinyente.
Sa Setyembre 30, 2021 ang itinakdang deadline ng voters’ registration. Ang mga lokal na tanggapan ng Comelec ay bukas Lunes hanggang Biyenes mula 8 ng umaga ikalima ng hapon.
As of April 19, 2021 ay naitala ng Comelec ang 513,692 registered voters sa Bataan at inaasahang mas darami pa ito hanggang sa deadline ng voters’ registration.