Modern precision farming gamit sa 10 model farms sa Dinalupihan

Drip irrigation at modern precision farming ang ginagamit na ngayon ng sampung pilot farms sa 1Bataan Agriculture Innovation and Technology Center o 1Bataan AITC sa bayan ng Dinalupihan, Bataan na naglalayong masiguro ang mas masanganang ani at mataas na kita ng mga magsasaka.

Ito ang naging bunga ng isang PPP project o joint venture agreement sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bataan sa pamumuno ni Governor Abet Garcia at Agrilever HK Ltd. gamit ang teknolohiya ng bansang Israel.

Ayon kay Dinalupihan Mayor Gila Garcia, ang 1Bataan AITC ay mayroong weather station na nagbibigay ng impormasyon sa posibilidad ng pag-ulan at kung gaano kadami ang tubig na nakukuha ng bawat pananim kung kaya’t linggu-lingo ay pinagpapalanuhan ng mga kawani ng Agrilever, magsasaka at agriculturist ang mga kinakailangan ng mga pananim.

Ang mga high value crops kagaya ng sili, kamatis, pakwan, talong at sibuyas ang mga pangunahing tanim ng mga piling magsasaka sa bukiring may humigit kumulang isang ektarya na inaasahang aani sa huling linggo ng Pebrero hanggang unang linggo ng Marso. 

“Ang kagandahan po nito yung mga harvest nila meron nang ready market, meron nang bibili so kahit marami ang ani nasisiguro po natin na walang masasayang dahil meron nang bibili,” pahayag ni Mayor Gila Garcia.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews