Murang bigas, itininda ng NFA sa mga dating taga-riles sa Marilao

LUNGSOD NG MALOLOS — Mismong ang National Food Authority o NFA na ang naghatid at nagtinda ng mga bago, mabango at murang bigas sa bakuran ng mga dating nakatira sa riles ng tren sa Marilao.

Ito’y bahagi ng Tagpuan Day-Rice Response Delivery ng ahensya bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Duterte na paigitingin ang pagtitinda ng mga murang bigas, lalo na sa mga mahihirap, habang mataas pa ang implasyon.

Ayon kay NFA Regional Director Piolito C. Santos, ibinebenta nila ang naturang mga bigas ng 27 piso kada kilo.

Masmababa ito sa kasalukuyang presyo ng mga bigas na komersiyal sa mga palengke na mula 42 hanggang 50 piso kada kilo.

Ang mga itinitinda ng NFA ay bahagi ng 250,000 metro toneladang bigas na inangkat sa Vietnam at Thailand.

Sa loob ng nasabing bilang, 120,000 na kaban ang inilaan ng NFA para sa suplayan ang Bulacan.

Kaugnay nito, isinusulong ng NFA na maitaas ang presyo ng kanilang pagbili sa palay na naani sa Pilipinas.

Target nilang makabili ng mga lokal na palay mula 22 hanggang 24 piso kada kilo sa 2019.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews