LUNGSOD NG MALOLOS – Nakikitang mareresolba ang patuloy na pagbaha sa Bulacan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga nature-based solution na siyang naging bunga ng briefing na pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan kasama ang mga kinatawan ng Economic Affairs Section of the Netherlands Embassy sa isinagawang North Manila Bay Flood Protection Strategy Briefing on Nature-Based Solutions and Dialogue on Potential Project Proposals na ginanap sa One Grand Pavilion Matilde Hall, Blas Ople Road, Brgy. Bulihan dito kamakailan.
Ayon kay Eileen Vizmonte ng Economic Affairs Section of the Netherlands Embassy in the Philippines, ang Manila Bay Flood Protection Strategy ay isang proyekto na pinondohan ng gobyerno ng Netherlands na siyang isang small follow up project ng Manila Bay Sustainable Development Master Plan (MBSDMP) na natapos noong nakaraang Abril 2022.
Samantala, tinukoy naman ni Matthijs Zijlmans, Project Manager Partners for Water Program of Netherlands Enterprise Agency, na kabilang sa pangunahing nag-aambag sa pagbaha sa North Manila Bay ay ang sediment extraction, land subsidence, fluvial flooding, climate change, erosion at sediment shortage, storm surge, decline of natural habitat at paglobo ng populasyon.
Tungo rito, hiniling naman ni dating Pangalawang Punong Bayan ng Hagonoy Angel L. Cruz, miyembro ng Alyansa ng mga Baybayin-Bayan ng Bulacan at Pampanga (ABB-BP) na siyang nanguna sa diskusyon, ang pakikiisa ng kanyang mga kasamahan sa alyansa upang makabuo ng kongkretong project proposal para sa pagkontrol at mitigasyon ng pagbaha at para tuluyang matukoy ang kinakailangang pondo sa pagpapatupad ng proyekto sa tulong ng Pamahalaang Panlalawigan.
Sa isang hiwalay na panayam, sinabi ni Gob. Daniel R. Fernando na ang Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Planning and Development Office sa pangunguna ni Arlene Pascual, na gagawin nila ang kanilang makakaya upang makabuo at makatulong sa paggawa ng kongkretong plano upang tuluyang maresolba na ang problema sa pagbaha sa lalawigan.
Binanggit din ni Fernando na sa mga pinakabagong proyekto sa lalawigan tulad ng pagpapatayo ng paliparan at PNR Line Tutuban hanggang Malolos, nararapat lamang na resolbahin ang sitwasyon ng pagbaha upang hindi makahadlang sa pagsasakatuparan ng mga progresong ito gayundin upang matiyak ang kaligtasan ng mga Bulakenyo na naninirahan sa mga baybaying lugar.
Kabilang sa iba pang mga dumalo sa pagpupulong ay ang mga kinatawan mula sa ABB-BP kabilang na ang mga City/Municipal Environment and Natural Resources Offices at mga Engineering Office ng Coastal Municipalities ng mga bayan ng Hagonoy, Calumpit, Paombong, Guiguinto, Balagtas, Obando, Bulakan, Bocaue, Marilao, mga Lungsod ng Malolos at Meycauayan at ABB-BP LGUs ng Pampanga gaya ng Macabebe, Masantol, Sasmoan at Lubao.