NLEX, SCTEX handa na sa Undas 2018

LUNGSOD NG MALOLOS — Humigit kumulang 124 toll booths sa North Luzon Expressway o NLEX at Subic-Clark-Tarlac Expressway o SCTEX ang bubuksan upang tugunan ang inaasahang pagdagsa ng mga motorista ngayong Undas 2018.

Ayon kay NLEX Corporation Vice President for Technology and Operations ManagementGlenn Campos, magbibigay din sila ng pre-encoded transit tickets sa mga motoristang galing ng Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway papasok sa SCTEX sa pamamagitan ng Tarlac Toll Plaza.

Nakatakda ring suspindihin ang lahat ng pagkukumpuni at lahat ng uri ng konstruksyon sa mga kalsada ng NLEX at SCTEX.

Dahil dito, magiging bukas ang lahat ng linya ng dalawang expressway ng mula alas-singko ng hapon ng Oktubre 26 hanggang alas-nuwebe ng umaga ng Nobyembre 5.

Kaugnay nito, maglalagay ng Safe Trip Mo, Sagot Ko Motorist Camps sa mga resting bays ng SCTEX Subic-bound sa Floridablanca, Concepcion at sa Tarlac-bound nito sa Porac at Bamban interchanges.

Sa mga lugar na ito pwedeng kumonekta sa libreng Wifi, maki-inom ng libreng tubig, magpagawa ng pangunahing serbisyong pangmekaniko at first aid.

Magiging libre rin ang pagkatak o towing sa mga masisiraang maliliit na sasakyan o class 1 palabas sa pinakamalapit na exit, mula alas-sais ng umaga ng Oktubre 31 hanggang alas-11:59 ng gabi ng Nobyembre 4.

Samantala, pwedeng mabantayan ang aktuwal na sitwasyon ng daloy ng trapiko sa NLEX at SCTEX sa official Facebook Page ng NLEX Corporation mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 4. (CLJD/SFV-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews