Mahigpit na ipatutupad ng pamahalaang lokal ng bayan ng Baliuag, Bulacan ang “No segregation, no collection of garbage policy” sa bagong panuntunan ng koleksyon ng basura sa susunod na mga araw.
Ito ay base na rin sa derektiba ni Mayor Ferdie Estrella na mas lalong maiayos ang pangongolekta ng basura sa bayan ng Baliuag.
Ayon kay Municipal Administrator Enrique Tagle, mahigpit ang utos ng alkalde na ipatupad simula sa ika-28 ng Hunyo ng nasabing polisiya ng bayan kaugnay ng pag-segregate ng mga basura sa mga bahay-bahay.
Ang “No Segregation, No Collection” policy ay ipatutupad upang makatipid rin ang pamahalaang lokal sa mataas na singil at gastusin sa pagtatapon ng basura, ayon kay Tagle.
Nabatid na halos isang buwan nang nahinto ang operasyon ng Wacuman Landfill na siyang pinagdadalhan ng basura mula sa may 18 bayan sa Bukacan matapos masira ang main road patungo rito at hindi makadaan at makapasok ang mga garbage trucks.
Dahil dito ay ilang linggo rin hindi nahahakot ang mga basura sa mga bayan-bayan sa lalawigan kabilang ang Baliwag kaya naman naisip ni Mayor Ferdie na kailangan magkaroon ng alternatibong paraan upang mabawasan at hindi gaanong bumaho ang mga naimbak na mga basura.
Ayon kay Mayor Estrella, simula pa nitong June 6 hanggang June 27 ay isinagawa na ang massive information education campaign kung ipapahayag ang mga oras at araw ng hakot sa mga lansangan at mga barangay.
Dapat aniyang nakahiwalay ang nabubulok sa di nabubulok at sa recyclable at mayroong itatalagang araw ng koleksyon ng nabubulok na basura at sa di nabubulok na residual at hazardous wastes.
Ayon kay Estrella, isang paraan ito upang makatipid sa gastusin ng pamahalaan na imbes sana ay mailagay sa ibang programa.
Base rin sa ordinansa, mayroong mga kawani ng munisipyo ang magmomonitor kung tama ang isasagawang pag-segregate dahil hindi umano kokolektahin ang basura kung ito ay hindi tama at ibabalik at maaari pa silang tiketan at pagmultahin.
Kinakailangan din na ang mga establisyimento, paaralan at mga institusyon ay mayroong Materials Recovery Facility (MRF) habang private hauler naman kung masyado malaki ang volume ng basura.
Ayon pa kay Estrella, ang mga paaralan ay dapat magpatupad ng Zero Waste program at pagpapaalala ng pagbabawal sa paggamit ng mga styro at mga single use plastic sa mga pribado at pampublikong pamilihan kungbsaan alternatibong gamitin na lang ang mga re-usable bags kung mamimili sa mga palengke.