LUNGSOD NG CABANATUAN — Kinumpirma ng Nueva Ecija Interagency Task Force na walo pang positibong kaso ng coronavirus disease o COVID-19 na nadagdag sa talaan umaga ng Abril 1.
Ayon kay Governor Aurelio Umali, mula sa huling anunsiyo ng konseho noong Lunes na mayroon lamang 15 positibong kaso ng COVID-19 ay nadagdagan na ang bilang ng walo na ngayon ay may kabuuang 23 positibong kaso ng sakit sa lalawigan.
Kabilang sa mga nadagdag na kaso ay mula sa mga sumusunod na munisipyo at lungsod: tig-dalawa mula sa San Isidro at Sta. Rosa at tig-iisa mula sa General Natividad, Quezon, Cabanatuan at Gapan.
Ibinalita din ni Umali na ang pangalawang positibong kaso mula General Natividad na kabilang sa nadagdag sa talaan ay binawian ng buhay madaling araw ng Abril 1.
Siya ay nars sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center na unang naitalang nasawi dahil sa COVID-19 sa lalawigan.
Pahayag ng gobernador, patuloy ang isinasagawang contact tracing sa mga nakasalamuha ng mga kumpirmadong positibo sa sakit at ng nasawi upang makapagsagawa ng quarantine.
Iniulat din ni Umali ang dalawang gumaling na mga pasyenteng nagpositibo sa COVID-19 sa lalawigan.
Sila ang unang dalawang kaso na mula sa lungsod ng Cabanatuan at General Mamerto Natividad na mga pinayuhang umuwi habang patuloy na binabantayan ang kalusugan at pagsasagawa ng quarantine.