Nueva Ecija, naghahanap ng karagdagang quarantine facility

LUNGSOD NG CABANATUAN — Pinagtutulung-tulungan ng mga lokal na pamahalaan ang paghahanap ng mga pasilidad na maaaring gawing quarantine area para sa mga person under investigation o PUI sa Nueva Ecija.

Ayon kay Governor Aurelio Umali, mayroong pagkakataong pinauuwi ng mga ospital ang mga PUI sa mga kani-kaniyang tahanan upang duon na lamang magsagawa ng quarantine.

Ang inaalala ng punong lalawigan ay ang katiyakang sumusunod ang mga umuuwing PUI sa strict home quarantine na pinagbabawalang lumabas at makihalubilo kahit sa mga mahal sa buhay. 

Aniya, kinakailangang matutukan ang mga PUI lalo kung may mga nararamdamang sintomas ng coronavirus disease o COVID-19 upang malimitahan ang pagkalat ng sakit. 

Kung kaya’t napagkasunduan ng mga tagapamuno sa mga lokalidad sa lalawigan na maghanap ng mga pasilidad na maaaring gawing quarantine area para sa mga PUI. 

Paliwanag ni Umali, ang mga suhestiyong lugar at pasilidad ay isasailalim sa inspeksiyon at pagpapasya ng Department of Health kung papasang maging quarantine facility. 

Aniya, maglalaan ng pondo ang pamahalaang panlalawigan sa pakikipag-ugnayan sa Sangguniang Panlalawigan gayundin ang mga lokalidad para sa mga gugugulin sa pasilidad gaya ang mga kailangang pagkain ng mga magiging pasyente. 

17 bayan at lungsod sa Nueva Ecija na ang nakapagbigay ng mga rekomendasayong lugar na maaaring gawing quarantine facility. 

Isa na rito ang Regional Evacuation Center sa bayan ng Talavera na ipinagkaloob ng Office of Civil Defense na itinayo upang may magamit sa panahon ng kalamidad.

Kaugnay nito ay nagpahayag din ng tulong at suporta ang dalawang pamantasan sa lungsod ng Cabanatuan partikular ang Nueva Ecija University of Science and Technology at Wesleyan University-Philippines na maaaring gamitin ang mga pasilidad bilang suporta sa pamahalaan sa pagsugpo sa sakit na COVID-19. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews