Nueva Ecija, nagpulong hinggil sa COVID-19

LUNGSOD NG CABANATUAN — Tinalakay sa isinagawang pagpupulong ng iba’t ibang kagawaran ng pamahalaan at mga lokalidad sa Nueva Ecija ang mga usapin tungkol sa sakit na Coronavirus Disease o COVID-19.

Ayon kay Department of Health o DOH Provincial Team Leader Edwin Santiago, layunin ng aktibidad na maunawaan ang mga panuntuan at gampanin ng iba’t ibang tanggapan na magiging basehan ng pagkilos magmula sa mga barangay. 

Gayundin aniya ay upang maiwasan ang pagkalat ng mga maling impormasyon na nakapagdudulot ng kalituhan o pangamba.

Kanyang binigyang diin na tanging ang kagawaran lamang at World Health Organization ang naglalabas ng mga datos tungkol sa sakit na COVID-19 lalo na’t mabilis na nadaragdagan o nababago ang mga impormasyon tungkol rito. 

Tinalakay sa naturang pagpupulong ang mga pangunahing impormasyon tungkol sa sakit gaya ang pinagmulan at pagkalat nito na patuloy pa ding pinag-aaralan upang tuklasin ang mga maaaring maging lunas. 

Gayundin ang paraan ng pag-uulat mula sa mga barangay o Rural Health Unit ng mga pinaghihinalaang may sakit upang madaling nakararating ang impormasyon sa otoridad. 

Ipinaunawa din rito ng Department of the Interior and Local Government ang nilalaman ng Memorandum Circular No. 2020-023 na mga gampanin ng bawat tagapamuno mula sa barangay, munisipyo, siyudad at lalawigan upang masugpo o maiwasang kumalat ang COVID-19 sa mga nasasakupang lugar.

Kaugnay din nito ay naglabas ng kautusan ang DOH na kinakailangang matugunan ng mga nasa level 2 at 3 na ospital ang mga pangangailangang medikal ng mga Patients under Investigation o PUI.

Paglilinaw ni Jonar Dungca ng DOH Nueva Ecija, ang mga PUI ay mga pinaghihinalaan pa lamang at hindi pa kumpirmadong may COVID-19. 

Sila aniya ang kinakailangang i-quarantine at dumaan sa mga pagsusuri dahil nanggaling sa bansang China, may nakasalamuhang galing China o iba pang mga lugar na may kaso ng COVID-19 at nakararanas ng mga simtomas gaya ng lagnat, ubo at sipon. 

Bukod pa rito ang Person under Monitoring na kailangang bantayan ang estado ng kalusugan na bagamat hindi nakararanas ng mga sintomas ng sakit ay nagkaroon ng pakikisalamuha o nanggaling sa mga bansang may kaso ng COVID-19. 

Samantala, ang patuloy na panawagan ng DOH sa mga tanggapan at mga taga Nueva Ecija na magkaisa upang maging epektibo ang bawat hakbang na mapigil ang pagkalat ng sakit. 

Kung mayroong katanungan o nais i-ulat tungkol sa COVID-19 ay maaaring tumawag sa DOH Nueva Ecija sa numerong 0918-245-4000.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews