Nueva Ecija, pinuri sa pagbili ng palay ng magsasaka

LUNGSOD AGHAM NG MUÑOZ — Pinuri ni Agriculture Secretary William Dar ang inisyatibong proyekto ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija na pagbili ng aning palay sa mga nasasakupang magsasaka. 

Ayon kay Dar, ito ay kaugnay sa naisin ng kagawarang mapaunlad ang industriya at panawagan sa mga lokal na pamahalaang tumugon sa pangangailangan ng mga magsasaka. 

Aniya, maglalaan ang pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija ng 200-milyong pisong pondo para sa pagbili ng mga aning palay.

Pahayag ng kalihim, ganito din ang kaniyang panawagan sa iba pang top rice producing provinces sa bansa na mamuhunan sa pagbili at pagbebenta ng palay upang matulungan ang mga magsasakang apektado sa mababang presyo ng aning produkto. 

Handa naman aniyang tumulong ang kagawaran sa mga lokal na pamahalaan kung kinakailangan ng pondong gagamitin sa pagsisimula ng programa, maaaring gamitin ang Internal Revenue Allotment ng lokalidad upang maging kolateral sa paghiram ng pondo. 

Kaugnay sa programa ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija sa pagsasaka ay binuo din ng kapitolyo ang Provincial Food Council na tututok sa sitwasyon at mga isyung kinahaharap ng industriya.

Batay sa Executive Order No. 05 Series of 2019 ay tungkulin ng konsehong mapangalagaan ang kapakanan ng mga magsasaka mula sa pagtatanim hanggang sa pagbabantay ng presyo sa pamilihan gayundin ay masiguro ang kasapatan ng mga aning produkto sa lalawigan.  

Tumatayong Chairman ng konseho si Governor Aurelio Umali at ang mga miyembro ay binubuo ng Sangguniang Panlalawigan- Committee on Agriculture, League of the Municipalities of the Philippines – Nueva Ecija Chapter President, ang mga tanggapa’t kinatawan ng Department of Agriculture, Development Bank of the Philippines, Philippine Rice Research Institute, at Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization.

Mayroon ding kakatawan sa iba’t ibang sektor sa konseho gaya ang mula sa academe, religious, agri-business, local farmer organization, samantalang observers naman ang mga kinatawan ng mamamahayag at Commission on Audit. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews