LUNGSOD NG CABANATUAN — Umabot ng kabuuang 8.16 milyong piso ang kinita ng 197 small and medium enterprises o SMEs ng Nueva Ecija na lumahok sa iba’t ibang trade fair ngayong unang semestre.
Ayon kay Department of Trade and Industry o DTI Provincial Director Brigida Pili, tinulungan ng ahensya ang mga naturang SMEs na dumayo sa ibang lugar upang ipakilala ang mga sariling gawang produkto.
Samantala, ibinalita ni Pili ang kanilang patuloy na paggabay sa 35 mga kooperatiba na pinagkalooban ng mga libreng makinarya at kagamitan sa ilalim ng Shared Service Facility Project na karamihan ay mga nasa dairy at food processing.
736 na indibidwal naman ang nabenepisyuhan sa mga libreng pagsasanay at pagtuturo ng DTI na may kaugnayan sa pagnenegosyo gaya ng business plan preparation, financial management, branding, marketing, effective negotiation skills at marami pang iba.