Opisyal na website ng Bulacan tungkol sa COVID-19, inilunsad

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Inilunsad na ang bagong develop na opisyal na website ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na nakatutok sa lahat ng mga impormasyon tungkol sa coronavirus disease o COVID-19.

Ito ang www.bulacancovid19.ph na pinapatakbo ng web developer nito na Institute for Innovation in Business and Emerging Technologies o IIBET ng Bulacan State University o BulSU San Jose Del Monte Campus. Ang mga opisyal na impormasyon na ipinapaskil dito na real time ay mula sa Provincial Health Office o PHO.

Ayon kay Gobernador Daniel Fernando, ito ay isang panibagong partnership ng pamantasan at ng pamahalaang panlalawigan bilang tulong upang malabanan ang pagkalat ng mga pekeng balita o fake news. 

Binigyang diin ng gobernador na tanging ang mga impormasyon na mula rito ang dapat maging reperensiya ng pamahalaang panlalawigan, partikular na sa mga kaugnay na datos na ibinabahagi sa mga mamamahayag hinggil sa mga kaso ng COVID-19 sa Bulacan.

Ayon kay IIBET director Jayson Victoriano, ipinagkaloob ni Fernando sa kanila ang kabuuang operasyon ng naturang website mula web development, web layout, data analytic hanggang sa real time na pag-upload ng mga datos mula sa PHO.

Layunin ng website na ito na makatulong sa pagsusuri sa pattern ng mga tinamaan ng COVID-19 sa Bulacan. 

Makapagbigay din ito ng insight at visualization para makita ng pamahalaang panlalawigan kung paano ang magiging istratehiya sa pagtugon. 

Iba pa rito ang pagpapakita ng visualize results sa pamamagitan ng iginayak na data analytic.

Sinabi ni PHO head Jocelyn Gomez na makakatulong ito bilang “one source of data” ng mga kaso ng COVID-19 sa Bulacan nang hindi nalilito o nalilinlang ang mga mamamayan sa mga maling balita sa sensitibong usapin na ito. 

Samantala, ipinaliwanag ni BulSU External Campuses Chancellor Reynaldo  Naguit na ang website na ito ay pangalawa na sa Robot Roving Doctor o RoviDoc na resulta ng output ng matagumpay na research and development ng pamantasan. 

Ang RoviDoc ay binubuo rin ng IIBET upang mabawasan ang exposure ng mga doktor at nars sa paggamot sa pasyenteng may COVID-19.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews