Sinuportahan ni Mabalacat Mayor Marino “Boking” Morales ang panawagan ni Presidente Rodrigo Duterte na tuluyan ng puksain ang illegal drugs sa buong bansa sa ilalim ng pinag-ibayong programa na ‘Oplan Double Barrel Reloaded.’
Muli, ilang personalidad na rin ang inaresto ng Mabalacat Police mula pa noong March 7 matapos ilunsad ang ‘Oplan Double Barrel Reloaded’, ayon pa kay Mabalacat Police Superintendent Juritz Rara.
Labing walong barangays ng Mabalacat City ang idineklara na drug-free ng PNP matapos ang isang masusing revalidation. Ito ang mga barangays ng Bical, Poblacion, San Joaquin, San Francisco, Mamatitang, Tabun, Dolores, Santo Rosario, Sta. Maria, Mangalit, Paralayunan, Bundagul, Sapang Balen, Mawaque Resettlement Center, Santa Ines, Macapagal Village, Calumpang at Cacutud.
Simula pa noong March 7, anim na operations ang isinagawa ng Mabalacat PNP na nakahuli sa may 9 katao na may kinalaman sa droga. Mula pa noong July 1, 2016 hanggang February 24, 2,016 na bahay ang binisita ng mga pulis at may 2,000 drug users naman ang mga sumurender sa ilalim nga Double Barrel and Double Barrel Alpha.
Pinag-ibayo pa ni Morales ang laban kontra illegal na droga sa pamamagitan ng pag convene sa mga miyembro ng Barangay Anti- Drug Abuse Council (BADAC) sa 27 barangays ng Mabalacat City. Ang BADAC ay inaasahang tututok sa programang ‘Oplan Double Barrel Reloaded.’
Ayon pa kay Morales, ang lahat ng mga opisyal ng mga barangays ay inaasahang susuporta sa programang ‘Oplan Double Barrel Reloaded’. Ang hindi susuporta ay kakaharap ng kaukulang administrative case.
Kapit bisig tayo, ani Morales sa mga barangay captains. “Kapag hindi naging drug-cleared ang barangay ninyo you will be eliminated in the October 2017 elections,” ayon pa kay Morales na tumutumbok sa mga hindi susuporta sa laban kontra droga.
Inaasahan na gagawa ng kaukulang aksyon ang mga barangay captains upang mapanatiling libre sa illegal na droga ang mga barangays.