MARIVELES, Bataan- Umabot sa 44,000 pamilya ang nabiyayaan ng P1,500 cash assistance mula sa LGU- Mariveles sa ilalim ng Financial Assistance from the Municipality of Mariveles (FAMM).
Ito ang iniulat ni Mariveles Mayor Jocelyn Castaneda sa Laging Handa Public Briefing ni Presidential Communications Operations Office chief, Martin Andanar via People’s Television Network o PTV4. Aniya ito ay nanggaling sa P66 million realigned budget ng munisipyo.
Ayon kay Mayor Castaneda, ang mga nabigyan ng ayudang FAMM ay ang mga hindi napasama sa Emergency Subsidy Program ng DSWD. Dagdag pa niya, sa 17,742 na target beneficiaries ng ESP-SAP ay 14,518 lamang ang nag-qualified kaya’t nagpasiya aniya ang Pamahalaang Bayan ng Mariveles katuwang ang Sangguniang Bayan na nagpasa ng resolusyon para mailabas ang budyet sa ikinasang financial assistance.
“Bukod sa P1,500 na cash assistance ay nabigyan pa namin ng P500 worth of groceries ang bawat pamilya at umabot po ito sa 58,000 food packs,” pahayag pa ng Alkalde.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang pamamahagi ng LGU ng 56,279 sacks of rice sa bawat mahihirap na pamilya at bawat pamilya ay nakatanggap ng 25 kilos ng bigas.
Ipinamahagi ang FAMM cash aid sa pamamagitan ng mga barangay kagaya ng naging sistema sa pamamahagi ng ESP-SAP distribution.
Bukod dito, kagaya ng naging halimbawa ni Bataan Governor Abet Garcia, hindi rin nalimutan ng alkalde ang mga lokal na mamamahayag sa Bataan na nabiyayaan din kamakailan ng cash assistance, bigas at grocery packs.