LUNGSOD NG MALOLOS — Pinagtibay na ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan ang may 162.7 milyong pisong supplemental budget bilang karagdagang pantustos sa mga pangangailangan ngayong nilalabanan ang coronavirus disease.
Ayon kay Bise Gobernador Wilhelmino M. Sy-Alvarado, nagmula ang pera sa Bayanihan Grant to Provinces ng Department of Budget and Management.
Layunin nito na agapayan ang mga pamahalaang lokal para sa mga gastusin ngayong may pandemya.
Base sa inihaing talaan ni Gobernador Daniel R. Fernando ng mga gagastusan, pinakamalaking bahagi ay ilalaan sa maintenance and other operating expenses na nagkakahalaga kung saan nakapaloob dito ang 89.3 milyong piso para sa medical supplies, 29.5 milyong piso para sa drugs and medicines supplies at 5.7 milyong pisong pagkukumpuni ng mga pasilidad na kakailanganin bilang isolation facilities.
Kabilang naman sa capital outlay ang 16.3 milyong piso para sa karagdagang hospital equipment partikular na para sa operasyon ng Bulacan Infection Control Center habang may 11.5 milyong piso para sa pagtatayo ng isang Bio-Molecular Laboratory.