Ayon kay DTI Regional Director Judith Angeles, pinakamalaking nakatanggap ng SSF ang Green Earth Heritage Foundation na nagbibigay ng kabuhayan sa mga dating nag-uuling sa bayan ng San Miguel.
Umabot sa 1.2 milyong pisong halaga ng mga SSF ang naipagkaloob sa kanila. Nakatulong ito upang mapalakas ang produksyon sa itinatanim na mga organikong gulay at prutas ng mga kasapi nito.
Dahil dito, nabawasan ang mga iligal na nagpuputol ng punong kahoy sa kabundukan ng Sierra Madre dahil nagkaroon na ng tiyak na kabuhayan ang dating mga mag-uuling.
Kabilang sa mga pamosong itinatanim at inaani dito ay ang Organic Moringa na ginagawaang 100 porsyentong purong Tsaa. Regular itong iniluluwas o nai-export sa Amerika matapos maaprubahan ng United States Department of Agriculture ang pagiging totoong organiko nito at taas ng kalidad.
Ang mga maggugulay naman na kasapi ng Umpucan Palay & Vegetable Farmers Producers Cooperative ay nakatanggap ng 680 libong pisong halaga ng SSF.
Bagama’t nabuo ang kanilang kooperatiba na sentro ang kanilang mga aning gulay at palay, itong SSF ang nagbukas ng panibagong oportunidad upang pasukin naman ang pag-aalaga ng mga baboy.
Layunin nito na magkaroon ng katiyakan sa kita at kabuhayan tuwing mababa ang ani na palay o hindi masyadong mataas ang bentahan ng mga gulay.
Tig-460 libong pisong halaga naman ng mga SSF ang kapwa natanggap ng Kooperatibang Pangkabuhayan ng Santa Maria o KPSM at San Jose Del Monte Savings and Credit Cooperative o SJDMSC.
Gagamitin ng KPSM ang SSF sa kanilang “Paalaga Project” kung saan ang mga kasapi ay sabay-sabay nag-aalaga ng mga baboy at manok.
Kapag dumating na ang takdang panahon na maari nang katayin, hahanguin na ito ng KPSM at siyang gagawing mga processed meat. Mas pinili ng KPSM na bukod sa pagtitinda ng sariwang karne, ay maiproseso na ito upang tumaas o lumaki ang market value.
Sa SJDMSC naman, gagamitin ang ibinigay na SSF sa gatasan ng kanilang mga Baka.
Para naman sa sektor ng mga handicrafts, 400 libong pisong halaga ng SSF ang ipinagkaloob ng DTI sa Gift, Housewares and Decors Producers Association of Bulacan Inc. na kilalang gumagawa ng mataas na klase ng mga kagamitang pambahay at iba pang maaring pang-regalo.
Lumahok ang grupo kamakailan sa ginanap na Philippine Pavilion Arts and Craft-Edmonton Heritage Festival sa Canada, upang ialok ang kanilang mga dekalidad na mga produkto sa merkado sa nasabing bansa at sa Hilagang Amerika. Ang kanilang gawaan ay matatagpuan sa barangay Caingin sa lungsod ng Malolos.
Ang Damascus Foundation na nasa bayan ng Donya Remedios Trinidad ay tumanggap ng 100 libong pisong halaga ng SSF. Mga magulang ng mga kabataang dating naligaw ng landas dahil sa iligal na droga ang mga kasapit nito.
Maging ang mismong mga kabataan na natapos nang sumailalim sa rehabilitasyon, kaugnay ng pagkakalulong sa nasabing bawal na gamot ay kasama na ring nananahi ng mga bag.
Iniluluwas ito sa kalakhang Maynila at sa iba pang malalaking department stores na siyang itinitindang may tatak na Parisian. Nakakarating na rin sa bansang Australia ang mga bag na tinatahi ng mga kasapi ng Damascus Foundation.
Pati ang gumagawa ng mga basahan ay nakakuha rin ng 133 libong pisong halaga ng SSF. Ayon kay Milagros C. Villafuerte, Pangulo ng San Ildefonso Doormat Manufacturer, malaki ang maitutulong nitong SSF sa pagpapalakas ng kanilang produksyon.
Napalaki aniya ng demand sa merkado na hindi niya nasusuplayan. Katunayan, nakakapagbenda sila ng 6,000 piraso ng mga doormat araw-araw. Pero kung mapapalakas ang produksyon, higit pa rito ang maaring magawa at mas malaki ang magiging benta.
Panghuli, ang Ligas Kooperatiba ng Bayan sa Pagpapaunlad Inc., na nasa barangay Ligas sa lungsod ng Malolos, ay tumanggap ng 350 libong pisong halaga ng SSF. Gagamitin ito sa iba’t ibang micro, small and medium enterprises na sinusuportahan ng kooperatiba.