Nakatakdang ibebenta ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Subic sa pamamagitan ng public auction ang 19 container ng refined white sugar na may pinagsamang floor price na PHP35.39 milyon.
Inihayag ng bureau sa pamamagitan ng notice na isasagawa ang pagbubukas ng mga selyadong bid sa Building 306, BOC-Port of Subic Canal Road, Subic Bay Freeport Zone (SBFZ), sa Lungsod ng Olongapo alas-2 ng hapon sa Disyembre 1, taong kasalukuyan.
Sinabi nito na ang public viewing ng merchandise na nagkakahalaga ng PHP35,399,700 ay maaring tingnan ng lahat ng qualified bidders sa New Container Terminal, SBFZ sa Nobyembre 28-29.
Ang mga item na isusubasta ay ang “9X20” at “5X20” Cristalla Supreme Refined Sugar na may floor price na PHP16,592,800 at PHP9,224,600, ayon sa pagkakasunod. Dumating sila sa bansa noong Nobyembre 22, 2021 at Nobyembre 27, 2021, ayon sa pagkakasunod.
Binanggit ng BOC na ang mga bidder ay kailangang mga sugar trader na nakarehistro sa Sugar Regulatory Administration. Kailangan din nilang magbayad ng non-refundable na halaga na PHP5,050 bilang registration fee.
“Kung sakaling mabigo ang pag-bid, ang ikalawang petsa ng auction ay sa Disyembre 2, 2022 alinsunod sa CAO-10-2007,” dagdag nito. Para sa karagdagang mga katanungan, ang mga interesadong bidder ay maaaring tumawag sa Opisina ng District Collector ng Port of Subic sa (047)-252-3534.