Nasa 4.32 milyong pisong halaga ng mga kagamitan ang naipamahagi na ng Department of Agrarian Reform o DAR sa mga kooperatiba sa Nueva Ecija ngayong taon.
Ayon kay DAR Nueva Ecija Information Officer Wally Martinez, maliban sa pagpoproseso at pamamahagi ng mga titulo ng lupa para sa mga magsasaka ay mayroon ding support services ang ahensya tulad ng Climate Resilient Farm Productivity Support Project na pamamahagi ng mga kagamitang kailangan ng mga Agrarian Reform Beneficiary Organizations o ARBOs.
Ngayong 2022 ay nasa 53 mga kagamitan sa pagsasaka ang naipamahagi na sa walong ARBOs sa mga bayan ng Lupao, Laur, General Natividad, Jaen, Talavera at Santa Rosa gayundin sa mga grupo ng mga magsasaka sa mga lungsod ng Gapan at San Jose.
Ilan lamang rito ang tig-isang yunit ng hand tractor with trailer, STW 8HP water cooled engine, at 4-stroke grass/ bush cutter gayundin ang dalawang yunit ng 4-stroke knapsack sprayers na parehong tinanggap ng Pinag-Isang Adhikahin ng Mamamayan ng Talavera Agricultural Cooperative mula sa bayan ng Talavera at San Pablo Multi-Purpose Cooperative mula sa bayan ng Jaen nitong Marso.
Naging benepisyaryo din ang Siclong Upland Planters Association Inc. mula sa bayan ng Laur na napagkalooban ng isang bagong hand tractor na may kasamang trailer at iba pang kagamitan, 10 yunit ng 4-stroke knapsack power sprayer at isang yunit ng 4-stroke grass/ bush cutter.
Ang paalala ng DAR ay pangalagaang mabuti ang mga kagamitang tinanggap mula sa pamahalaan nang sa gayon ay mahabang panahon pa magamit at mapakinabangan ng maraming magsasaka sa lalawigan.
Ayon pa kay Martinez, tumutugon din ang ahensya sa pagtuturo ng mga kasanayan sa pangangasiwa ng samahan, pagpapabuti ng mga inaaning produkto at pagsusulong ng negosyo tungo sa patuloy na pag-unlad ng pagsasaka at pamumuhay.
Bukas lagi ang tanggapan ng DAR sa lungsod ng Cabanatuan upang umasiste sa mga magsasaka gayundin ay maaaring makipag-ugnayan sa mga nakatalagang Municipal Agrarian Reform Officer sa iba’t ibang distrito, bayan at siyudad sa Nueva Ecija.