LUNGSOD NG TARLAC — Isinagawa ng Tactical Operations Group 3 o TOG 3 ng Philippine Air Force o PAF ang kauna-unahang Campus Peace and Development Forum sa San Manuel High School.
May 200 mag-aaral, guro at administrator ng paaralan ang dumalo sa forum kung saan ipinaliwanag ng Philippine Information Agency, National Economic and Development Authority at PAF ang Responsible Sharing of Information, Role of Youth in Nation-building, Personality Development, Leadership Styles, Qualities of an Effective Leader at Getting the Ideal Job.
Ayon kay TOG 3 Group Commander Lieutenant Colonel Susan Rodolfo, layunin ng aktibidad na bigyang-kaalaman ang estudyante at iba pang dumalo sa mga hakbangin ng pamahalaan upang masiguro ang seguridad at kapakanan ng susunod na henerasyon.
Aniya, ipinapalaganap ang mga pamamaraan ng gobyerno upang makamit ang kapayapaan at kaunlaran sa ating bansa.
Dagdag pa ni Rodolfo, magkaakibat ang kapayapaan at kaunlaran na matatamo lamang sa pamamagitan ng whole-of-nation approach.
Kinilala din niya ang mahalagang gampanin ng mga kabataan sa lipunan.
Hinikayat ni Rodolfo ang pakikisangkot at suporta ng mga kabataan sa pamahalaan upang maisakatuparan ang mga programang pagkapayapaan at pangkaunlaran sa bansa.
Ang TOG 3, nagsisilbing operating arm ng Tactical Operations Wing Northern Luzon ng PAF, ang namamahala sa pagpaplano, pagkontrol at pagkoordina sa employment air power ng mga lugar na sakop nito.
Bukod dito, nakikipagtulungan din ito sa iba’t-ibang organisasyon upang makapagbigay ng iba’t-ibang serbisyo sa komunidad.