LUNGSOD NG MALOLOS — Pwede nang gamiting pambayad ng toll fee kapag papasok sa North Luzon Expressway o NLEX, Subic-Clark-Tarlac Expressway o SCTEX at maging sa CAVITEX ang iyong credit card at debit card na Mastercard, pati Beep Card at ang Radio Frequency Identification o RFID.
Ayon kay NLEX Corporation President Rodrigo Franco, magagamit ang ganitong sistema sa 32 mga tollgates mula Balintawak hanggang sa Marilao na siyang open system.
Ito ang mga exits sa northbound ng NLEX o direksiyon papuntang gitnang Luzon, kung saan diretso ang paglabas sa mga exits ng Mindanao Avenue, Valenzuela, Lawang Bato, Libtong, Meycauayan at Marilao nang hindi humihinto sa mga tollgates.
Ang sistema pagpasok ng Balintawak Toll Plaza sa Caloocan, kung walang cash o perang papel o baryang maibabayad, pwedeng credit/debit card, Beep Card o RFID.
Pagdating ng 2018, magagamit na ito ng mga motoristang luluwas pabalik ng Metro Manila gamit ang southbound lane mula sa Sta. Ines sa Mabalacat hanggang Bocaue Toll Plaza.
Magagamit din ito sa isang taon sa SCTEX, bagamat maari nang magamit ang RFID sa buong 84 kilometro ng NLEX mula Balintawak hanggang Sta. Ines, sa 94 kilometro ng SCTEX mula Subic hanggang Tarlac at maging sa CAVITEX mula sa tollgate ng Paranaque hanggang Kawit, Cavite.
Lahat ng may pag-aari nang credit o debit card na Mastercard ay magagamit na agad sa NLEX, SCTEX at CAVITEX.
Ilalapat na lamang ang card pagdaan sa toll booth sa tollgate.
Paglapat, ibabawas ang halaga ng toll sa bank account ng may-ari ng card. Kung Beep Card ang gagamitin, na siyang ginagamit na rin ngayon sa pagsakay sa Light Rail Transit o LRT Line 1, LRT Megatren Line 2 at Metro Rail Transit Line 3,
Maaring pakargahan ng load sa mga train stations at iba pang 15,000 reloading stations sa bansa.
Kung wala pa maski alin sa mga ito, pwedeng bumili ng Smart Mastercard na pinapatakbo ng PayMaya na karaniwang ginagamit bilang mobile money payments.
Kaugnay nito, ganito rin ang magiging sistema kapag binuksan sa 2018 ang NLEX-Harbor Link mula sa Karuhatan Exit sa Valenzuela hanggang Radial Road 10 sa Navotas na siyang magiging derechong ruta mula NLEX Mindanao Avenue Interchange hanggang Pier sa Maynila. — Shane F. Velasco