Pagbangon at pagsulong ng Malolos sa gitna ng pandemya, inilahad

Hindi napigil ng pandemya ng COVID-19 ang patuloy na pagsulong at pagbangon ng Malolos tungo sa ganap na kaunlaran.

Sa panayam ng Network Briefing News ng Presidential Communication and Operations Office (PCOO) kay Malolos City Mayor Gilbert T. Gatchalian, inilahad nitong nakumpleto at sinisimulan na ng pamahalaang lungsod ang pagsasakatuparan sa comprehensive master development plan.

Ito’y kasabay ng iba’t ibang hakbang na malabanan ang pandemya mula sa pagkakaroon ng sapat na isolation facilities, sistematikong pagbabakuna at katiyakan sa pagkakaroon ng suplay ng pagkain na aabot sa P185.82 milyon noong Setyembre 2021.

Ang naturang comprehensive master development plan ay naglalayon na madala ang Malolos bilang isang industriyalisadong lungsod pagsapit ng taong 2030. Isasakatuparan ito sa pamamagitan ng pamumuhunan sa mga bagong imprastraktura gaya ng walong bagong mga road networks.

Iniulat ni Mayor Gatchalian na unang sinimulan rito ang Malolos  Circumferential Road na nag-uumpisa sa crossing ng Blas Ople Road at Malolos-Paombong Road sa barangay Anilao na inisyal na inilalatag hanggang sa barangay Sto. Cristo.

May inisyal na P28 milyon ang ginugol dito sa tulong ng Department of Public Works and Highways (DPWH) nang simulan ito noong 2019.

Susunod na ring gagawin ang Balite-Santor Bypass Road at karugtong nitong Balite-Mambog Diversion Road, Guinhawa-Bulihan Diversion Road, Sumapang Bata-Barihan Diversion Road, Ligas-Barihan Road, Maunlad-Barihan Road, Ligas-Bungahan Road at ang Bulacan Polytechnic College (BPC) Road extension papunta sa Felicisima.

Ipinaliwanag ni Mayor Gatchalian na ang nasabing mga road networks na ay paghahanda sa pagbubuo ng pitong bagong growth centers sa Malolos hanggang sa taong 2030. Tinatanaw na lilikha ito ng mga bagong pamumuhunan, industriya at trabaho.

Target maging ganap na mga special ecomomic zones ang mga bagong growth centers sa 2026 na itatayo sa 12 ektaryang Cyber Park sa tabi ng Malolos City Government Center, Paseo Del Congreso Financial District, 25-ektarya na First Bulacan Business Park, Show-Window Corridor sa Sumapang Matanda at Cofradia, Longos Gateway, 62 ektarya na Barihan Central Business District (CBD) at ang Mambog CBD.

Ayon pa kay Mayor Gatchalian, inihahanda ng pamahalaang lungsod na maisakatuparan ang nasabing mga growth centers upang direktang makikinabang ang Malolos sa proyektong New Manila International Airport (NMIA), na sinisimulan nang itayo sa kalapit na bayan ng Bulakan.

Bukod dito, tinatanaw na isang pangmatagalang proyekto ang NMIA upang ganap na magbabangon ang iba’t ibang industriya partikular sa turismo, na labis na naapektuhan nitong pandemya.

Kaugnay nito, sinabi rin ni Mayor Gatchalian na isang malaking kumplementasyon ang nakatakdang pagbubukas ng Malolos station ng North-South Commuter Railway (NSCR) Phase 1 Project sa Oktubre 2023 sa lalong pagsulong at pag-unlad ng kalakalan at komersiyo mula sa lungsod, kalapit na mga bayan, sa Metro Manila at sa Clark.

Bukod sa Malolos station ng NSCR Phase 1, sa lugar ding ito magsisimula ang linya ng tren ng NSCR Phase 2 na nasa kasagsagan na rin ang konstruksiyon.

Kapag natapos ang proyekto sa taong 2025, magiging 30 minuto na lamang ang biyahe mula sa Malolos patungo sa Clark International Airport Terminal 2.

Samantala, sa paglaban sa pandemya, kabilang sa ginugulan ng halagang P185.82 milyon ang ipinamahaging 99.26 milyong family food packs mula nang tumama ang pandemya noong Marso 2020. Nasa P2.4 milyon naman ang nagagastos na para sa rentals ng karagdagang isolation facilities.

Iba pa rito ang ginugol na P25.42 milyon para sa operasyon ng mga isolation facilities na ipinagawa ng DPWH sa Malolos City Government Center, mga kailangang suplay at kasangkapan. Nadagdagan naman ng limang bagong mga ambulansiya ang pamahalaang lungsod. (SFV/PIA-3/BULACAN)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews