Paggamit ng Filipino sa dokumentong pampamahalaan, ipinaalala

LUNGSOD NG MALOLOS — Nagpaalala ang Komisyon sa Wikang Filipino o KWF na dapat sundin ng mga kagawaran, tanggapan, ahensya at instrumentalidad ng pamahalaan ang umiiral pa rin na Executive Order 335 series of 1988.

Ito ang paggamit sa wikang Filipino sa lahat ng mga transaksyon, komunikasyon, at korespondensya sa mga dokumentong pampahalaan. 

Ayon sa Taggapangulo ng KWF na si Virgilio Almario, aabot sa 90 porsyento sa mga ahensya ng pamahalaan ang gumagamit ng wikang Ingles sa pagsulat ng mga ipinapadalang liham komunikasyon. 

Sa ginanap na Panrehiyong Seminar sa Korespondensya Opisyal sa lungsod ng Malolos, inilahad ng KWF na kinakailangang magtalaga ng isa o higit pang tauhan, ayon sa pangangailangan, sa bawat tanggapan upang siyang mangasiwa sa mga komunikasyon at korespondensiya na isinulat sa Filipino.

Kasama rin sa mga ipinag-uutos ng Executive Order 335 na inilabas ni dating Pangulong Corazon C. Aquino na isalin sa wikang Filipino ang mga pangalan ng opisina, gusali, edipisyong publiko at mga karatula sa lahat ng mga opisina at mga dibisyon. Maaari namang lagyan ng tekstong Ingles ang ibaba ng salita sa paraang maliliit na letra.

Upang matiyak na maging tuluy-tuloy ito, nagpahayag si Almario na handa ang KWF na umagapay sa mga kapwa ahensya ng pamahalaan upang makagawa ng mga programa para sa pagsasanay sa pagpapaunlad pantauhan ng bawat opisina sa paggamit ng wikang Filipino sa pagsulat ng komunikasyon.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews