Iniaalok ng Social Security System o SSS Olongapo branch sa mga employer na hindi nakakapaghulog nang regular ang paggamit sa Pandemic Relief and Restructuring Program o PRRP-3.
Ayon kay SSS Olongapo Acting Branch Head Marites Dalope, ito ay isang condonation program ng ahensya upang matulungan ang mga delinquent employer na makabayad ng lahat ng hindi naihulog na kontribusyon ng kanilang mga manggagawa.
Sa isinagawang Run After Contribution Evaders operation, sinadya ng mga opisyal ng SSS ang anim sa 3,089 delinquent employer upang paalalahanan at ialok ang PRRP-3.
Target mahabol ang nasa kabuuang 197.84 milyong piso na hindi naihuhulog na kontribusyon kung saan may 20,066 na mga mangagawa ang makikinabang dito.
Aniya, as of May ay mayroon pa lamang kabuuang 61.21 milyon piso nakolekta na mga delinquencies.
Ipinaliwanag naman ni SSS Luzon Central 2 Division Vice President Gloria Corazon Andrada na sa ilalim ng programang ito, maaring bayaran ng mga delinquent employer ng installment ang mga hindi naihuhulog na kontribusyon.
Kailangan lamang nilang magsumite ng aplikasyon para magamit ang PRRP-3 hanggang Nobyembre 21, 2022.
Binigyang diin din ni Andrada ang kahalagahan ng regular na pagbabayad ng kontribusyon upang mapakinabangan ang mga benepisyong handog ng ahensya.
Sa kasalukuyan, may pitong pangunahing benepisyo ang ipinagkakaloob ng SSS sa mga miyembro nito sa panahon ng kanilang panganganak, pagkawala sa trabaho, pagkakasakit, pagkabaldado, pagreretiro, pagkamatay, at paglilibing. (CLJD/RGP-PIA 3)