BALIWAG, Bulacan — Nagdaos ng isang panayam ang National Historical Commission of the Philippines o NHCP na naglalayong palakasin ang kamalayang Asyano.
Sa pagtalakay ni Propesor Mark Joseph P. Santos ng Polytechnic University of the Philippines, ang Pilipinas ay isang lipunang may napakayamang sariling pagkakakilanlan ngunit dahil sa dami ng mga sumakop na dayuhan ay hindi aniya maikakailang nawala ang maraming sariling kultura na salamin ng pagkakakilanlan.
Kaya naman sa panayam na ito, pinaghambing ang magkaugnay na pananaw ng bayaning si Mariano Ponce na isang diplomatiko at si Dr. Zeus Salazar na isang propesor.
Ang pananaw ni Ponce, mainam na matutunan ng mga Pilipino kung paano maging isang Asyano sa halip na yakapin ang kultura ng mga bansang kanluranin habang naniniwala naman si Salazar na ang mga karatig bansa sa Asya, o ang mga tinatawag na lahing Malayo gaya ng Indonesia at Malaysia, ay mas malapit sa pagkakakilanlan ng Pilipino.
Binigyang diin pa ni Santos na mainam na gamiting ehemplo ang rehiyunalismo nina Ponce at Salazar. Sa kaso ni Ponce na naging sugo ng administrasyong Aguinaldo sa Japan noong panahon ng Unang Republika, ay maituturing aniya na kauna-unahang Pilipino na nagkaroon ng kamalayang Pan-Asyanismo.
Magugunita na noong panahong si Ponce ay nasa Japan, ang Pan-Asyanismo ay nakasentro sa nasabing bansa. Doon aniya nakita ni Ponce na ang Pan-Asyanismo ang sagot sa dominasyon noon ng Espanya at Estados Unidos sa Pilipinas.
Pangalawa itong si Salazar, na isang historyador, ay kilala sa kanyang Pantayong Pananaw na isang panloob na pagtingin sa kasaysayang Pilipino kung saan may sentral na papel ang wikang Filipino.
Ipinaliwanag pa ni Santos, lingid sa kaalaman ng maraming Pilipino, ang nasyonalismo ni Salazar ay malalim na nakaugat sa kanyang rehiyunalismo na tinaguriang Pan-Malayanismo.
Ibig sabihin, magkakaroon lamang ng saysay ang kakanyahang Pilipino kung maiuugnay ito sa mas malawak na komunidad kasama ang Malaysia at Indonesia sapagkat ang mga nabanggit na mga bansa at ang Pilipinas ay pinag-uugnay ng iisang nakaraan. Nagkawatak-watak lamang aniya ito dahil sa pagpasok ng mga mananakop.
Kaya para kay Santos, ang Pan-Asyanismo ni Ponce at Pan-Malayanismo ni Salazar ay maaring maging tugon upang idikit ang Pilipinas at mga Pilipino sa kanyang sariling pagkakakilanlan at hindi sa mga bansang kanluranin. Magreresulta rin aniya ito upang tuluyang magkaroon ang Pilipinas ng isang nagsasariling kakanyahan at malaya mula sa ibang hindi taga-Asya.
Samantala, sinabi ni Erickson Jose Pacayra Dublas, kurador ng Museo ni Mariano Ponce, malaking bagay ang pagdadaos ng ganitong uri ng mga panayam upang maikintal sa mga kabataan na pahalagahan ang pagiging Asyano sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa sariling wika, sining at kultura upang hindi tuluyang mabura ang sariling pagkakakilanlan. (CLJD/SFV-PIA 3)