Pagpaskil ng mga pangalan ng benepisyaryo ng ESP, suportado ng DSWD

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga (PIA) — Suportado ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang direktiba ng Department of the Interior and Local Government o DILG na isapubliko ang mga pangalan ng mga benepisyaryo ng Emergency Subsidy Program o ESP.

Sa naganap na virtual regional press briefing ngayong araw, pinahayag ni DSWD Spokesperson Irene Dumlao na ang pagpapaskil ng mga barangay official ng mga pangalan ng residente na makakatanggap o nakatanggap na ng ESP ay para masigurado na naipapahamagi ang ayuda sa tamang benepisyaryo.

Ayon kay Dumlao, ang naturang diretiba ng DILG ay nagsusulong ng transparency at accountability at makakatulong sa kabuoang implementasyon ng Social Amelioration Program o SAP upang hindi madoble ang pagtanggap ng mga benepisyaryo sa mga tulong pinanyal ng pamalahalaan.

Batay sa datos ng DSWD nitong ika-19 ng Abril, nasa 128,059 mahihirap na pamilya na sa Gitnang Luzon ang nakatanggap ng ESP. 

Nagkakahalaga ang ayuda ng 6,500 piso para sa bawat mahirap na pamilya. Ito ay binatay sa umiiral na minimum wage sa rehiyon.

Nasa 447 pamilya na ang nakatanggap mula sa Aurora, 519 ang paunang nabigyan sa Bataan, 53,937 naman sa Bulacan, 51,901 ang nakatanggap na sa Nueva Ecjica, 16,610 naman sa Pampanga, 3,740 ang nabigyan na sa Tarlac at 905 na benepisyaryo ang napamahagian sa Zambales.

Binigyang-diin ni Dumlao na hindi kada bahay o indibidwal ang nabibigyan ng ayuda kundi kada pamilya na kwalipikado sa programa.

Paliwanag niya, ang mga inaprubang benepisyaryo para sa SAP ay mga pamilya na kasama sa impormal na sektor na walang pinagkakakitaan dahil sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine.

Sila rin ay may miyembrong kabilang sa alin mang bulnerableng sektor — senior citizens, persons with disability, buntis, solo parents, katutubo, homeless citizens, distress at repatriated Overseas Filipino Workers, magsasaka, mangingisda, self-employed, informal settlers at yung mga informal workers gaya ng drivers, kasambahay, construction workers, labandera at manikurista.

Bukod sa DSWD, may ayuda din sa ilalim ng SAP ang ibang ahensya tulad ng Department of Labor and Employment at Department of Agriculture. 

Inaasahang makukumpleto ang pamamamahagi ng ESP sa 1.8 milyong mahihirap na pamilya sa Gitnang Luzon ngayong ika-30 ng Abril. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews