Pagsakop ng itatayong Bulacan airport sa barrio proper ng Taliptip, tinutulan

Nanawagan kay San Miguel Corporation’s (SMC) president and chief operating officer Ramon S. Ang ang ilang mga matatandang lahi o angkan sa bayan ng Bulakan, Bulacan partikular na sa Barangay Taliptip kung saan mismo itatayo ang P740-billion world-class International Airport na huwag na sanang idamay o sakupin ang kanilang mga pag-aaring lupain sa umanoy pagpapalawig ng dambuhalang infrastructure project.

Ayon kay former Bulacan Provincial Prosecutor chief Renato Samonte Jr., 65, residente ng Taliptip, nangangamba sila na pati ang kanilang mga residential properties na nasa barrio proper na wala sa orihinal na plano ng pagtatayuan ng airport ay maapektuhan at madamay sa nasabing proyekto.

Sabi ni Samonte, halos tatlong linggo na ang nakakaraan nang sumadya sa kaniya ang isang Noriel Aragon, representative ng San Miguel Aerocity Inc. kung saan siya umano ang kumakausap sa mga residente sa planong pagbili ng SMC sa barrio proper.

Ang San Miguel Aerocity Inc. ang infrastructure arm ng SMC. Ang nasabing airport project ay magkakahalaga ng P740-bilyon at itatayo sa mahigit 2,500 ektaryang lupain sa Barangay Taliptip at Barangay Bambang.

Nagulat at hindi inaasahan ni Samonte kabilang ang iba pang mga matatandang angkan at taal na residente sa nasabing lugar gaya ng mga angkan ng Mendoza, Ramos, De Jesus, Dela Cruz, Isidro, Concepcion, Delos Santos, Amildrez at Villanueva  makaraang mabatid ang planong pagsakop ng SMC sa mga residential properties.

“Nung una akala namin blessings yan airport sa bayan namin.. delubyo pala at buburahin pala kaming mga taga-Taliptip sa mapa,” ayon kay Samonte.

Nauna rito, tinatayang nasa 180 na mga dating residente na nasa coastal area na tinamaan ng airport project ang nailipat na ng SMC at nabigyan ng bahay at lupa at puhunan at ilan sa mga ito ay pinag-aral pa at sumailalim sa livelihood training katuwang ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

“As we committed to our Taliptip relocatees, our assistance to them does not stop at helping them build new concrete homes on safe ground, in land that they own. For most of the past year, we have been continuously providing them skills and livelihood training and job opportunities. This reseller program represents our next-level effort to help ensure they will have better and more sustainable income,” ayon kay Ang sa isang panayam.

Nabatid na plano umanong sakupin pa ng SMC ang kalahati ng barrio Taliptip pero hindi umano sila (Samonte) papayag na ibenta ang kanilang mga property kasama ang iba pang mga lehitimo at malalaking angkan.

Ayon kay Samonte, kabilang sa tatamaan sa gagawin umanong pag-okupa ay ang Taliptip Elementary at High School habang hindi naman bababa sa 500 ang apektadong households.

“Pakiusap namin na sana ay sa ibang kalapit barangay na lamang sila kumuha at huwag naman ang mismong barrio ng Taliptip,” pahayag ni Samonte.

Nabatid pa kay Samonte na isang Atty. Mickey Rosales, corporate social responsibility officer ng SMC-Taliptip area ang kumausap rin sa kaniya kamakailan at sinabing ipapaabot kay Ang ang kanilang panawagan at apela.

Itinanggi naman ni Taliptip Barangay Captain Michael Ramos na mayroon siyang nalalaman sa planong pagbili ng SMC sa mga residential sa kaniyang nasasakupan gaya ng kumakalat sa balita.

Ayon kay Ramos, nakahanda siyang manindigan at ipaglaban ang karapatan ng mga taga-Taliptip at hindi umano siya papayag sa naka-abang na plano.

Si Samonte ay naging hepe ng Bulacan Provincial Prosecutors Office taong 2012 at nagretiro nitong Pebrero 2021.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews