Pakinabang sa 7K Sugod Guiguinto Program, iniulat

GUIGUINTO, Bulacan — Direktang pakikinabangan ng mga Guiguintenyo ang mga biyaya ng programang 7K Sugod Guiguinto na iginayak ng pamahalaang bayan.
 
Ito ay tumututok sa Karunungan, Kalinisan, Katahimikan at Kaayusan, Kalusugan, Kaunlaran, Kabuhayan, at ang Kabataan at Kalinangan.
 
Sa ginawang Ulat sa Bayan ni Mayor Ambrosio Cruz, binigyang diin niya na wala nang atrasan ang lalo pang pagsulong ng bayan ng Guiguinto.
 
Una na rito ang sektor ng Karunungan na umabot sa 92 porsyento ang bilang ng mga kabataang nakakapasok sa mga pampublikong paaralan.
 
Malaking bahagi nito ang pagkakaloob scholarship sa may 600 na mahihirap ngunit matatalinong kabataang Guiguintenyo.
 
Pinalakas naman ang programa para sa Kalinisan sa pamamagitan ng proyektong tatlong milyong kalinisan.
 
Ito ang pagbibigay ng insentibong tatlong milyong piso sa pinakamalinis na barangay na natamo ng barangay Cutcot.
 
Nakapagpatayo rin ng apat na karagdagang Material Recovery Facility na may pasunod pang 14 na Tribikes upang pagbutihin ang Solid Waste Management Scheme sa bawat barangay ng Guiguinto.
 
Kinatuwang naman ng pamahalaang bayan ang Department of Environment and Natural Resources para sa Project Sweep.
 
Bilang suporta sa pinatinding giyera laban sa iligal na droga ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, kapwa inilunsad ng pamahalaang bayan at pulisya ang Oplan Bato at Bola kaysa Droga.
 
Nagresulta ito sa walong porsyentong pagbaba ng krimen na siyang pinakamababa sa nakalipas na tatlong taon.
 
Sa usapin ng Kalusugan, nakakuha ng 23 milyong piso ang Ospital ng Guiguinto mula sa Department of Health at mayroon pang 500 libong piso mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office.
 
Kaugnay nito, hangad ni Cruz na mapataas pa sa 132 milyong piso ang taunang koleksyon ng buwis sa pamamagitan ng mas mabilis na paghahatid ng serbisyo.
 
Aniya, sa pagreporma sa sistema ng pagbubuwis at proseso ng mga pagbabayad, mas malaki ang mailalaang pondo para sa mga programang pangkabuhayan gaya ng Puhunan ng Bayan.
 
Ito ang programang nagpapautang ng puhunan sa mga maliliit at katamtamang negosyo sa bayan.
 
Samantala, inialay naman ng pamahalaang bayan sa mga kabataan ang mayamang kalinangan ng industriya ng paghahalaman.
 
Patunay dito ang mas pinalaking Halamanan Festival na ngayo’y nasa ika-20 taon na.  — Shane F. Velasco

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews