NORZAGARAY, Bulacan — May 150 katutubong Dumagat na naninirahan sa palibot ng Ipo Dam ang binigayan ng kabuhayan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Sa paglulunsad ng proyektong K3 o Kabalikat sa Kabuhayan at Kaunlaran, nagsama-sama ang mga ahensya ng pamahalaan upang makapagbaba ng mga proyekto at programa na tutugon sa pangmatagalang kabuhayan ng mga katutubo.
Pinangunahan ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA ang paglulunsad ng K3 sa ilalim ng Poverty Reduction, Livelihood and Employment Cluster o PRLEC ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.
Layunin nito na mapangalagaan ang mga katutubong Dumagat na hindi mahikayat ng insurehensiya sa pamamagitan ng agarang pagtugon para sa kanilang ikagiginhawa laban sa kahirapan.
Bilang panimula, nagkaloob ng Training for Work Scholarship ang TESDA sa may 118 na mga Dumagat.
Tatlong uri ito kung saan 60 ay kukuha ng kasanayan sa agricultural crops production na katumbas ng National Competitiveness o NC I; 38 para sa Shielded Metal Art Welding na NC II at 20 na Hydraulic Excavator na NC I.
Ang iba namang Dumagat ay inorganisa ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR upang makapagparami ng alagang isdang Tilapia.
May 20 libong fingerlings ng Tilapia ang pinakawalan sa katubigan ng Ipo Dam sa pangunguna ni BFAR Regional Director Willy Cruz. Ito ay inisyal pa lamang sa kabuuang target na 100 libong punla.
Samantala, maglalaan ang Department of Trade and Industry 995 libong pisong halaga ng Shared Service Facility o SSF na ibibigay sa kooperatibang binubuhay ng mga Dumagat sa tulong ng Cooperative Development Authority.
Ang nasabing SSF ay partikular na gagamitin upang maparami ang plantasyon ng kawayan sa paligid ng Ipo Dam gayundin ang pagpoproseso sa maaani mula rito bilang mga handicrafts.
Nakapaloob dito ang Electric 2-Door Fruits and Vegetable Dryer, isang Grinder na kayang gumiling nang bigat na 60 hanggang 100 kilo, Modified Drum Kiln Carbonizer, Infrared Thermometer na may kasamang Humidity Measurement, timbangan na Dial Type Platform at isa pang Digital Weighing Scale.
Kaugnay nito, binigyang diin ni National Commission on Indigenous People Ethnographic Commissioner Rolando Rivera sa mga katutubong Dumagat na pangalagaan ang mga biyayang ipinagkakaloob ng pamahalaan sa pamamagitan ng tunay na pagkakaisa ng mga tribo tungo sa ganap na kaginhawaan.
Ang paglulunsad ng K3 Project ng PRLEC ay patunay na hindi lamang solusyong militar ang tugon ng administrasyong Duterte laban sa insurehensiya kundi mga proyekto at programang susugpo sa kahirapan na pinag-uugatan nito.