LUNGSOD NG TARLAC — Sisimulan na ngayong Oktubre ang paunang pagpaparehistro para sa Philippine Identification System o PhilSys.
Layunin ng PhilSys o mas kilala bilang National ID System ang mabigyan ng pangunahing patunay ng pagkakakilanlan ang bawat Pilipino.
Ayon kay Philippine Statistics Authority o PSA Tarlac Supervising Statistical Specialist Joy Ular, prayoridad ang low-income household heads para sa paunang rehistrasyon.
Aniya, sa buong probinsiya ng Tarlac ay may humigit kumulang na 149,000 low-income households base sa listahang ibinaba ng PSA Central Office na mula sa Department of Social Welfare and Development.
House-to-house interview ang unang bahagi ng pre-registration kung saan ang registration officers, gamit ang tablet ay ibu-book ng appointment ang isang head of household, kokolektahin ang kaniyang demographic data tulad ng pangalan, edad, at status, at titignan ang mga dokumentong maaring magamit sa pagpaparehistro.
163 na registration officers at 23 na supervisors ang magsasagawa ng house-to-house interview sa buong probinsya.
Ani Ular, isinasagawa ito ng PSA upang matulungang mapadali ang pagrerehistro ng mga low-income households. (CLJD/GLSB-PIA 3)