LUNGSOD NG CABANATUAN — Ibinahagi ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ang mga naging gampanin sa kamakailang pagpupulong ng Provincial Peace and Order Council.
Ayon kay PDEA -Nueva Ecija Provincial Officer John Jerme Almerino, tatlo mula sa 849 barangay sa lalawigan ang inendorso ng tanggapan upang ideklarang drug free.
Ito ang mga barangay ng Santo Domingo, Agupalo Este at Alalay Chica na mga mula sa bayan ng Lupao.
Base pa din sa kasalukuyang tala ng tanggapan ay aabot sa 532 barangay sa lalawigan ang apektado ng ilegal na droga na kung saan ang natitirang 314 ay hindi pa nasusuri.
Ayon kay Almerino, makokonsiderang drug free ang barangay kung wala kahit isang drug user o pusher na mamamayan o miyembro ng lipunan.
Kabilang sa mga panuntunan ng PDEA sa pagtukoy ng barangay ay ang pagkakaroon ng drug laboratory, warehouse, drug den, marijuana plantation, at ang mga taong gumagamit o nagbebenta ng illegal na gamot.
Ipinahayag din ni Almerino na nakabibili ang mga drug dependents ng Psychotrophic Substances sa mga botika bilang kanilang panghalili sa ilegal na droga.
Kaugnay nito ay nagsagawa kamakailan ang tanggapan katuwang ang mga kapulisan sa paghahain ng search warrant sa apat na botika sa lungsod ng Cabanatuan na nagresulta sa pagkakadakip ng 12 katao at pagkumpiska sa mga pake-pakete at kahon-kahong mga gamot na walang kaukulang papeles upang ibenta.
Nadakip naman ng otoridad mula sa isinagawang buy bust operation sa Bulacan ang nasa watch list sa lalawigan na si Jhoerelle Jake Dela Cruz.
Panawagan ng tanggapan ang patuloy na koordinasyon at pagtutulung- tulungan sa pagsawata ng ilegal na droga sa bawat pamayanang nasasakupan. (CLJD/CCN-PIA 3)