LUNGSOD NG CABANATUAN — Idineklara ng Malakanyang ang Pebrero 3 bilang Special Non-Working Day sa Cabanatuan para sa gugunitaing ika-70 taong pagkakatatag ng lungsod.
Ito ay base sa Proklamasyon Blg. 877 na nilagdaan ni Executive Secretary Salvador C. Medialdea noong Enero 6,2020 upang mabigyang pagkakataon ang mga mamamayan ng lungsod ng Cabanatuan na makibahagi at makiisa sa taunang selebrasyon.
Nakagawian na simula taong 2015 ang pagtatampok tuwing kapistahan ng lungsod ang pagdiriwang ng Banatu Festival na bukas para sa lahat tungo sa pagpapalakas ng turismo ng siyudad.
Ayon sa inilabas na iskedyul ng pamahalaang lungsod, magsisimula ang pagdiriwang sa Enero 31 na magtatagal hanggang sa mismong araw ng kapistahan.
Kabilang sa mga nakahanay na programa ay ang misa na susundan ng Opening Night sa Plaza Lucero, Banatu Food Fair, Kaban ng Tuwa, Barangay Night, Sayaw Cabanatuan, Araw ng Magsasaka, Search for the Best Longganisa at Grand Boodle Fight.
Hindi naman mawawala sa taunang okasyon ang Kasalang Bayan, Jobs Fair, Zarzuela Competition, Kites Festival, Ms. Gay Cabanatuan at Bb. Cabanatuan.
Inaabangan din taun-taon ang Grand Parade, at ang mga patimpalak tulad ng Drum and Lyre, Street Dancing at Float Competition na idinaraos sa mismong araw ng kapistahan.
Bagong linya naman ng mga natatanging Cabanatueño ang bibigyang pagkilala sa gaganaping taunang Gawad Parangal.
Ang lungsod ng Cabanatuan ay dating baryo ng Gapan na naging bayan at opisyal na naging siyudad taong 1950 sa bisa ng Batas Republika Bilang 526.