Pedicab driver natagpuang patay sa Dinalupihan

Patay na nang matagpuan ng mga otoridad ang isang pedicab driver sa Common Terminal sa Dinalupihan, Bataan kahapon.

Sa ulat mula kay Police Lt. Col. Palaleo Addag, hepe ng Dinalupihan MPS, kinilala ang bangkay na si Noel Fernandez, 56 anyos, taga Barangay Sto. Niño, Dinalupihan, Bataan. 

Ayon kay Dinalupihan Marshal  Officer Rizalito Aquino, isang nagngangalang Alawi Jaywaran ang nagreport sa kanya tungkol sa wala nang buhay na katawan ni Fernandez na nakahandusay sa loob mismo ng kanyang pedicab. 

Ayon naman sa pamilya nito June 12 ay kalalabas lamang umano ni Fernandez mula sa Dinalupihan District Hospital dahil sa isang karamdaman. 

Tumanggi ang pamilya na isailalim pa ito sa post-mortem examination dahil naniniwala umano sila na wala namang anumang foul play sa pagkamatay ng kanilang kaanak.