CLARK FREEPORT ZONE, Pampanga — Ginawaran ng Philippine Red Cross o PRC ang chapter nito sa Bulacan bilang pinakamahusay nilang sangay sa buong Pilipinas.
Sa ginanap na Blood Service Partners’ Engagement Ceremony kaugnay ng Blood Donors’ Month, pinapurihan ni PRC Chair Senador Richard J. Gordon ang PRC-Bulacan pagkat ang karangalan ay nangangahulugan ng pagiging epektibo sa kanilang tungkulin at bokasyon.
Ayon kay PRC Bulacan Chapter Head Ricardo A. Villacorte, naging pangunahing batayan ng pagkakatanggap ng nasabing karangalan ang pagkakatamo ng 100 porsyento na service deliverable.
Pangunahin na rito ang kakayahan ng sangay na makapag-impok at makapag-ingat ng may 12,000 bags ng dugo kaya’t kaya nitong magkaloob ng 600 bags ng dugo sa mga nangangailangan kada araw.
Dagdag pa ni Villacorte, ito ay pinagsama-samang lakas at kakayahan ng may 12,000 volunteers sa lalawigan na pinakamarami sa buong bansa.
Kinilala rin ng PRC ang mga inisyatibo ng Bulacan chapter sa pagpapatibay ng mga protocol sa pagtamo ng ligtas, sigurado at bagong dugo.