LUNGSOD AGHAM NG MUÑOZ –Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization o PhilMech para sa pamamahagi ng libreng makinaryang pangsaka sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Program o RCEP.
Ayon kay PhilMech Luzon A Cluster Regional Focal for RCEP Senior Science Specialist Rhoween Parica, ang mga natatanggap na aplikasyon ay dumadaan sa pagsusuri upang matiyak na aangkop ang mga ibibigay na makinarya batay sa pangangailangan ng bawat samahan.
Kabilang aniya sa mga kwalipikadong maging benepisyaryo ay mga rehistradong farmers o irrigators associations, rice cooperatives at mga lokal na pamahalaan.
Paglilinaw ni Parica, ang mga kooperatiba ay kinakailangang accredited ng Department of Agriculture, mayroong 50 ektaryang bukiring sinasaka at malapit o may sakop na 100 ektaryang bukirin na maaaring serbisyuhan.
Maaari na aniyang kumuha at magpasa ng application form, mayroon ding listahan ng mga kakailanganing dokumento sa mga lokalidad gayundin ay bukas ang tanggapan upang direktang tumanggap ng aplikasyon mula sa mga interesadong kooperatiba.
Paliwanag ni Parica, ang mga makinarya na matatanggap ay libre ngunit dapat na ingatan dahil nakapaloob sa pipirmahang kasunduan ng PhilMech at benepisyaryo na maaaring bawiin ang mga makinaryang hindi nagagamit at napababayaan upang ibigay sa iba pang mga nangangailangang asosasyon.
Kada cropping season din aniya ay obligadong magpasa ng report ang mga kooperatiba hinggil sa estado at paggamit ng mga makinarya upang tiyaking napakikinabangan ang mga kagamitan.
Wala naman aniyang dapat ipagalala dahil ituturo at magbibigay kasanayan ang PhilMech sa mga operator, mekaniko, manager at book keeper ng bawat asosasyong magiging benepisyaryo ng programa.
Sa kanyang tantiya ay nasa 1,200 hanggang 1,600 na mga kooperatiba sa buong bansa ang maaaring makinabang sa ngayong taong pagsisimula ng farm mechanization component ng RCEP.
Pahayag muli ni Parica, nilalayon ng tanggapang matapos ang pagbibigay ng makinarya sa Enero o Pebrero ng susunod na taon.
Kaniyang panawagan ay asikasuhin na ang aplikasyon upang maagang makinabang sa programa na magtutuloy-tuloy hanggang sa anim na taon batay sa nakasaad sa batas na paglalaan kada taon ng nasa limang bilyong pisong pondo para lamang sa mekanisasyon sa pagsasaka. (CLJD/CCN-PIA 3)