Phl Carabao Center, nagdiriwang ng ika-25 anibersaryo

LUNGSOD AGHAM NG MUÑOZ — Ipinagdiriwang ngayong Marso ng Philippine Carabao Center o PCC ang ika-25 taong pagkakatatag na may temang “Great to Share and Celebrate.”

Ayon sa PCC-Knowledge Management Division, ang bawat dibisyon ng tanggapan mula sa national headquarters at iba’t ibang sangay sa buong bansa ay may inilaang programa kada linggo na naka-angkla sa mga hashtag na #GreatToShare, #GreatToInnovate, #GreatToInspire, at #GreatToCelebrate.

Layunin anila nito na bigyang halaga ang gampanin ng ahensya sa pangkabuhayan ng mga magsasaka at industriyang pagkakalabaw sa bansa.

Kabilang sa mga aabangang palatuntunang iginayak ng PCC ay ang paglulunsad ng Philippine Dairy Carabao breed, at pagpaparangal sa mga natatanging kawani, mga grupo at indibidwal na sumusuporta sa adhikain ng tanggapan.

Hindi naman mawawala sa naturang okasyon ang mga libreng pagsasanay gayundin ang mga nakatutuwang palaro para sa mga empleyado at stakeholders.

Samantala, nakatakda namang idaos sa Marso 25 hanggang 27 ang culminating program na kung saan ay magsisilbing panauhing tagapagsalita ang tinaguriang “Grandfather ng PCC” na si dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Ejercito Estrada.

Nalikha ang PCC sa bisa ng Republic Act 7307 upang pagyamanin ang industryang pagkakalabaw sa bansa. (CLJD/CCN-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews